Navy-Standard handa na para sa Ronda
ILOILO CITY, Philippines — Handa na ang Philippine Navy-Standard Insurance sa misyon nitong madepensahan ang korona sa nalalapit na 2019 Ronda Pilipinas na papadyak na bukas hanggang Peb. 12 dito.
Iyan ang sinigurado ni head coach Reinhard Gorrantes sa kabila ng mas malalakas na mga kalaban ngayon sa Ronda tour na bahagi na ng International Cycling Union (UCI) sa unang pagkakataon mula nang magsimula ito noong 2011.
“Ayaw naman naming sumabak na hindi kami preparado. Preparado kami ngayon lalo kami yung nanalo last year,” ani Gorrantes matapos ang pagsasanay nila kahapon sa palibot ng Iloilo City.
Seryoso sa hangad na Ronda title repeat, inamin ni Gorrantes na tatlong buwan na silang nagsasanay simula pa noong Nobyembre at narito na sa Iloilo City noong nakaraang buwan pa lamang upang maging pamilyar sa ruta at sa klima.
Sa kabila nito, hindi umaasa si Gorrantes ng madaling karera ngayon lalo’t papadyak sila kontra sa 14 na iba pang local at international teams.
Kampeon din ng isa pang UCI-sanctioned na Le Tour de Filipinas noong nakaraang taon, mapapasabak ang Navy kontra sa palaban na local teams na 7 Eleven Cliqq – Air 21 Roadbike Philippines, Go For Gold, Team Franzia, Army Bicycology, Tarlac at Bike Extreme. Makikilatis din sila kontra sa foreign squads na Terrengganu INC TSG Cycling team ng Malaysia, Team Matrix Powertag ng Japan, NEX cycling team, Korail ng Korea, Sri Lanka Navy Cycle team, Cambodia cycling team at PGN Cycling team ng Indonesia.
Lalarga ang five-stage na karera sa 197.6-kilometrong Iloilo-to-Iloilo Stage One bukas kasunod ang 101.8-km Guimaras-to-Guimaras Stage Two, 179.4-km Iloilo-to-Roxas City, Capiz Stage Three, 146.9 km Roxas-to-Roxas Stage Four at ng 148.9-km Stage 5 mula sa Roxas City papuntang Antique.
- Latest