Folayang magdedepensa kay Aoki; Johnson at Alvarez lalaban sa ONE
MANILA, Philippines — Isang dating karibal ang muling makakatapat ni Filipino mixed martial arts superstar Edward Folayang para sa pagtatanggol niya ng korona.
Itataya ni Folayang ang kanyang suot na ONE Championship lightweight belt laban kay dating Japanese title-holder Shinya Aoki sa kanilang rematch sa Marso 31 sa Tokyo, Japan.
Nagmula si Folayang sa unanimous decision win kontra kay Amir Khan ng Singapore sa ONE ‘Conquest of Champions’ noong Nobyembre sa MOA Arena sa Pasay City.
Nauna nang tinalo ni Folayang si Aoki sa pamamagitan ng third round TKO victory sa ONE ‘Defending Honor’ noong 2016 sa Singapore.
Ito ang nagbigay kay Folayang ng titulo at nagpasikat sa kanya sa mundo ng mixed martial arts.
Kasalukuyan namang nasa three-fight winning streak si Aoki para sa tsansang makabawi kay Folayang.
Tinalo ni Aoki sina Rasul Yakhyaev at Ev Ting via submission at Shannon Wiratchai via TKO.
Matutunghayan naman ang ONE debut nina Ultimate Fighting Championship legends Demetrious “Mighty Mouse” Johnson at Eddie Alvarez laban kina Yuya Wakamatsu ng Japan at Timofey Nastyukhin ng Russia, ayon sa pagkakasunod.
Ang 32-anyos na si Johnson, may 27-3-1 (win-loss-draw) record, ang may hawak ng UFC history sa pagkakaroon ng pinakamaraming matagumpay na title defense sa bilang na 11.
Nagwakas ang five-year UFC flyweight title reign ni Johnson nang matalo kay Henry Cejudo sa UFC 227 noong Agosto sa Los Angeles, Caifornia.
Bitbit naman ng 34-anyos na si Alvarez, dating lightweight title-holder sa UFC at Bellator, ang kanyang 29-6 kartada.
- Latest