San Juan at Valenzuela ipinakita ang kahandaan sa MPBL
MANILA, Philippines — Tinalo ng expansion team na San Juan at ng semifinalist na Valenzuela ang kanilang mga karibal para ipakita ang kahandaan sa darating na Maharlika Pilipinas Basketball League.
Pinamunuan nina PBA veterans Mac Cardona at John Wilson, inilampaso ng Knights ang Marikina Shoemasters, 92-65, para magparamdam sa 25 pang miyembro ng liga.
Ipinakita ng Knights, nagkampeon sa Metropolitan Basketball Association noong 2000, ang kanilang potensyal.
Tinuruan nila ng leksyon si celebrity baller Gerald Anderson, naglalaro para sa Marikina, kung ano ang kanyang mararanasan sa regional basketball league na pinamununuan nina Sen. Manny Pacquiao at Commissioner Kenneth Duremdes.
Hindi nakaiskor si Anderson bunga ng mahigpit na depensa ng mga San Juan guards.
Samantala, umiskor naman ang Classic ng 96-88 panalo laban sa Pasig Pirates sa isa pang tune-up match.
Bumangon ang Valenzuela team ni dating PBA coach Chris Gavina mula sa 16-point deficit sa first period sa likod ni playmaker Paolo Hubalde para balikan ang Pasig squad.
May dalawa pang tune-up games ang Classic sa mga susunod na araw.
- Latest