Spicy Time gustong bumawi
MANILA, Philippines — Paniguradong babawi ang Spicy Time bukas ng gabi sa karerahan ng Santa Ana Park na matatagpuan sa Naic Cavite.
May makailang beses nang nanalo ang Spicy Time at sa bawat panalo nito ay hugando ang kanyang tiyempong naipapakita.
Ngunit sa nakaraang takbo nito ay sa mas mabigat at mahusay na kabayong Stockholm ito napalaban kaya tersero lang ang inabot niya ay nauna pa sa Lady Pio.
Sinakyan ni Apoy P. Asuncion, bumuhos ang taya sa Stockholm bago lumarga ang karera para maging unang paborito. Naging segundo paborito ang Spicy Time na noon ay ginabayan ni Ryan A. Base.
Sa labanan ay halos silang dalawa lang ang nag-aagawan sa unahan pero sa pagliko sa huling kurbada ay nanatiling mas matikas ang Stockholm at nagawa pang makalayo ng may limang horselength.
Ang Spicy Time na tila pinangapusan na ng hininga ay inabot pa sa meta ng tersero paboritong Lady Pio na nirendahan ni Ramon D. Raquel Jr. na may isang horselength pa rin ang layo.
Sa Condition-18 race ay nabawasan ng malalakas na kalaban ang Spicy Time kaya ito na nga ang nagkakaisang pinipili ng mga racing experts pati na ng mga tiyempistas sa tatlong karerahan.
Para lalong mabigyan ng tsansa na mananalo itong Spicy Time ay pinarenda ito kay Virgilio M. Camañero Jr., ayon na rin sa may-ari nitong si Hubert F. Leong. Si F.L. Lauron naman ang siyang nagkukundisyon sa kabayo.
Ang iba pang makakalaban sa 1,200 metro distansiyang karera ay ang Lirpa’s Choice ni J.L. Lazaro, Champs ni A.R. Manabat, Vera Cruz ni C.H. Moreno, Mystic Veil ni J.V. Ponce, Geneva ni H.R. Dilema, The Legend ni R.C. Baldonido, Band Of Halo ni M.A. Alvarez, Veni Vidi Vici ni R.V. Poblacion, Super Guru ni E.M. Dela Cruz, Amazing Day ni R.G. Fernandez, Tap Charmer ni J.D. Bitor, Awat Na Boy ni E.G. Guerra at Wildtrack ni J.L. Santiago. JMacaraig
- Latest