CEU, St. Paul-Pasig, Poveda nalo sa WNCAA Cheerdance
MANILA, Philippines - Napanatili ng Centro Escolar University, St. Paul College Pasig at Poveda ang kani-kanilang titulo sa cheerdance competition ng 47th Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA) kamakailan sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakopo ng CEU ang kanilang ikatlong sunod na titulo sa senior division para sa kanilang ikaanim na championships sa kabuuan. Nanalo rin ang Lady Scorpions sa basketball, taekwondo, table tennis, badminton at swimming.
Nakopo naman ng St. Paul at ng incoming host Poveda ang ikaapat na titulo sa junior at midgets division, ayon sa pagkakasunod.
Ang De La Salle Zobel ang may pinakamaraming titulo sa kanilang walong napanalunan bukod pa sa 7th straight midgets basketball title, midgets volleyball at badminton at junior volleyball, futsal, lawn tennis, table tennis at swimming.
Ang Miriam College ay may apat na championships--midgets taekwondo at swimming at junior taekwondo at softball.
May tig-isang titulo ang Chiang Kai Shek College (junior basketball), San Beda College Alabang (senior volleyball), Philippine Women’s University (senior futsal) at La Salle College Antipolo (junior badminton).
Ang St. Jude Catholic School ang host ng 47th season.
- Latest