Love Rosie mapapalaban sa Ava Natalia at Pradera Verde
MANILA, Philippines - Dalawang banderistang kabayo at isang deremate ang isa sa magandang mapapanood na karera ngayong gabi sa San Lazaro Leisure Park.
Sa isang grupo ng handicap-7 ay nakahanay ang mga kabayong Love Rosie, Ava Natalia at Pradera Verde kasama ng anim na iba pang kalahok.
Ang may apat na taong babaeng kastanya na imported runner galing USA ay papatungan ni Kevin B. Abobo at ito ay panlaban ng Santa Clara Storckfarm Inc., na ikinukundisyon ni Tito E. Santos.
Ang Ava Natalia na isa ring babaeng kastanya na imported runner galing Australia ay panlaban ng J&J Prop Mngr. Inc at ipinaeensayo ni Renato C. Hipolito. Si Jessie B. Guce ang pinili niya para gumabay rito.
Ang Pradera Verde na locally-bred horse na pag-aari ni Dennis G. Pineda ay isa ring babaeng kabayo na inaalagaan ni trainer Ruben S. Tupas.
Si apprentice jockey Mark M. Gonzales ang magrerenda sa kabayo.
Kabilang pa rin ang tatlong banderistang kabayo na puwedeng makalusot kung makabubuo sila ng ayre.
Ito ay ang Glitter Face na entry ni Oliver Gianan at kinukundisyon ni Conrado M. Vicente. Si jockey Jonathan B. Hernandez ang sasakay rito.
Ang makailang beses nang sumali sa mga three year old horses na Guanta Na Mera ay ilalaban ni Atty. Narciso O. Morales at ito ay ipinagagabay kay Mark Alvarez, ang napiling jockey of the year ng taong 2016.
Pamato naman ni Patrick P. Uy ang kabayong Niccole Angel na pinamamahalaan ni Nestor Manalang.
Si apprentice Onil P. Cortez ang napili nilang sumakay sa kabayo.
Napabilang rin sa grupo ang dating kampeong Spring Collection at Tuxedo na parehong ipinaeensayo ni Ruben Tupas.
Si Andrew R. Villegas ang sasakay sa Spring Collection, samantalang si apprentice J.A. Pastoral naman ang maggigiya sa Tuxedo. JM
- Latest