Caluag minalas makakuha ng tiket para sa Rio Olympics
MANILA, Philippines – Nabigo si Fil-American BMX rider Daniel Caluag na makapedal ng tiket para sa 2016 Olympic Games.
Ito ay matapos matalo si Caluag, ang reigning Asian Games BMX champion, sa elite division ng UCI (Union Cycliste Internationale) BMX World Championships sa Medellin, Colombia.
Nauna nang nakalaro ang 29-anyos na registered nurse sa Lexington, Kentucky noong 2012 Olympics sa London.
Tumapos si Caluag sa ika-70 puwesto sa hanay ng 82 entries mula sa kanyang oras na 41.237 segundo.
Tanging ang top 16 riders ang nakakuha ng Olynpic berth para sa Rio Games.
Ang grupo na pinangunahan nina Sylvain Andre (36.374) at Joris Daudet ng France (36.839) at Niek Nimmann ng Netherlands (36.881).
Si Caluag ay isa lamang sa walong Asian riders sa elite division at tumapos sa ilalim ng tatlong Japanese riders at naungusan ang mga siklista ng Indonesia at Thailand.
Susubukan naman ni Cong. Abraham Tolentino, ang PhilCycling president, na alamin sa UCI at International Olympic Committee kung may tsansa pa si Caluag na makalaro sa Rio Olympics.
Matapos manalo ng gold medal sa Asiad Games ay sinasabing hindi nagpalista si Caluag bilang priority athlete ng Philippine Sports Commission.
Ang isang priority athlete ay may training allowance na P40,000 ($860) bawat buwan.
Si Caluag ay hinirang na 2014 PSA (Philippine Sportswriters Association) Athlete of the Year.
Bukod kay Caluag, nabigo rin si Fil-American Sienna Fines na makakuha ng puwesto sa women’s division.
Nagtala siya ng 55.047 segundo para tumapos sa ika-18 mula sa kabuuang 24 entries.
Ang top eight female riders ang mabibigyan ng Olympic slot sa Rio Games.
- Latest