Warriors pumuwersa ng Game 7 sa Thunder
OKLAHOMA CITY - Nakahanda na ang selebrasyon para sa inaasahang pagpasok ng Thunder sa NBA Finals.
Ngunit walang balak ang Golden State Warriors na makipagdiwang.
Kumonekta si Klay Thompson ng playoff-record na 11 three-pointers para sa kanyang 41 points at tulungan ang defending champions sa 108-101 paggiba sa Thunder sa Game 6 ng Western Conference final.
Ang ikalawang sunod na panalo ng Warriors ang nagtabla sa kanilang best-of-seven series ng Thunder sa 3-3.
Ang Game 7 ay nakatakda sa Lunes sa Oakland.
Nagdagdag naman si Stephen Curry ng 29 points, 10 rebounds at 9 assists para sa Golden State.
“We’ve got a lot of belief and a lot of heart, and we’ve given ourselves a chance to win this series,” wika ni Curry. “That’s all we could ask for. There’s obviously a lot of excitement, but we still have one job to do.”
Tatangkain ng Warriors, nagtala ng NBA regular-season record na 73 wins, na maging ika-10 koponan na nakabangon mula sa 1-3 pagkakabaon para muling makasagupa ang Cleveland Cavaliers sa NBA Finals.
Tinapos ng Cavaliers ang kanilang serye ng Toronto Raptors sa 4-2 para sa ikalawang sunod na NBA Finals appearance.
Umiskor si Thompson ng 19 points sa fourth quarter para ibangon ang Warriors mula sa eight-point deficit.
Hinayaan ni Curry na magtrabaho si Thompson sa final canto.
“Steph told me before I went out in the fourth, ‘This is your time,’” sabi ni Thompson. “‘You know, put on a show out there and have fun.’ I took those words to heart, and I just tried to be aggressive.”
Nagsalpak ang Warriors ng 21-of-44 shooting sa 3-point line kumpara sa 3-of-23 ng Thunder.
Binanderahan naman ni Kevin Durant ang Oklahoma City sa kanyang 29 points at may 28 markers si Russell Westbrook.
Nagtala si Durant ng 10-of-31 shots at may 10-of-27 si Westbrook.
Kumulapso ang Thunder, ilang beses nang naisuko ang kalamangan sa fourth quarter sa regular season ngunit gumanda ang laro sa playoffs, sa huling apat na minuto ng laban nila ng Warriors.
Napuwersa ng Golden State ang Oklahoma sa anim na turnovers sa huling 2:55 minuto ng bakbakan kung saan may tatlo si Westbrook sa natitirang 55 segundo.
“That really wasn’t - hasn’t been us in the last month and a half,” pahayag ni Thunder coach Billy Donovan matapos ang nasabing laro.
- Latest