UP, DLSU volleybelles unahan sa 2-0
MANILA, Philippines – Mag-uunahan ang University of the Philippines at De La Salle University para sa ikalawang sunod na panalo at sa liderato ng UAAP Season 78 women’s volleyball tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.
Maghaharap ang Lady Maroons at Lady Spikers sa alas-2 ng hapon kasunod ang sagupaan ng Adamson University Lady Falcons at National University Lady Bulldogs sa alas-4 ng hapon.
Magkakasama sa four-way tie ang UP, La Salle, Adamson at defending champion Ateneo de Manila University sa magkakatulad nilang 1-0 record.
Tinalo ng UP ang University of the East, 25-20, 25-13, 25-21 sa kanilang unang laro.
Sina Nicole Tiamzon, Kathy Bersola at Marian Buitre ang pangunahing pinagkukunan ng puwersa ng Lady Maroons kasama ang mga rookies na sina Isa Molde, Justine Dorog at Diana Carlos.
Masusubukan ang tunay na kakayahan ng Lady Maroons sa pagharap laban sa Lady Spikers na isa sa mga pinakasolidong lineup sa taong ito.
“Against La Salle, hindi puwede kaming maraming service errors and we have to execute well,” wika ni Lady Maroons head coach Jerry Yee.
Nagmula din ang La Salle sa 29-27, 25-23, 25-20 panalo kontra Far Eastern University noong Miyerkules kung saan natunghayan ang pagbabalik-aksyon ni dating UAAP MVP Ara Galang.
Bagama’t halata na ingat sa kanyang pagtalon, nagawa pa ring makapagtala ng 10 puntos si Galang kasama ang limang digs at limang receptions.
Huhugutan din ng lakas ng Lady Spikers sina Mika Reyes, Carol Cerveza, Majoy Baron, Christine Soyud, May Luna at setter Kim Fajardo para talunin ang Lady Maroons.
- Latest