Tagumpay ni Ayo sa Letran dadalhin niya sa La Salle
MANILA, Philippines – Makaraang tulungan ang Letran Knights sa paghahari sa nakaraang 91st season ng NCAA ay pipilitin naman ni coach Aldin Ayo na magawa rin ito para sa bago niyang koponang La Salle Green Archers sa UAAP.
“Of course, it’s all about competition. Kung magko-compete ka, isipin mong mananalo ka. Otherwise huwag ka nang mag-compete. We want to win and tatrabahuhin namin,” wika ni Ayo.
Ginawa ng champion mentor ang una niyang public appearance matapos lumipat sa Taft Avenue school noong Martes ng gabi sa UAAP-NCAA Press Corps’ Collegiate Basketball Awards.
Tinanggap ni Ayo ang NCAA Coach of the Year plum kasalo si Nash Racela ng UAAP titlist na Far Eastern University Tamaraws.
Habang nagpapakuha ng litrato ay biniro ang dalawa na ito na marahil ang preview ng UAAP Season 79 finals.
Itinuturing ni Ayo, makakatuwang ni dating Tams coach Glen Capacio, ang FEU bilang isa sa mga top contenders.
“Malakas iyan, kasi si coach Glen galing dun, alam niya ang kultura ng FEU. Malakas pa rin ang FEU,” wika ni Ayo. “Andyan din ang Ateneo, UE. Pero lahat naman eh. Ganon palagi ang trato ko everytime I go to competition. Wala akong ina-underestimate .”
Sinabi pa ni Ayo na dadalhin niya ang “House of Chaos” brand of basketball na ginamit niya sa Letran sa kanyang paggiya sa La Salle.
“Dala ko pa rin ang mayhem sa La Salle,” sabi ni Ayo. “If we can win sa takbuhan, tatakbo kami. Kung mananalo kami sa half court, gagawin namin. Kung mananalo kami sa gapangan, kung ano’ng kailangan, gagawin namin para manalo.”
Kumpara sa preseason sa Letran, hahawakan ni Ayo ang La Salle team na hinirang na paborito sa darating na UAAP season dahil sa kanilang mga beterano.
“Everytime I go to competition, I always want to win and I’ll make sure we’ll do everything to achieve that. But I’m one who’s not afraid to lose for I believe, we should first know how it feels to lose and learn from it,” wika ni Ayo.
Muling babandera para sa Green Archers si Jeron Teng kasama sina holdovers Prince Rivero at Thomas Torres, habang paparada naman si import Ben Mbala kasama sina blue-chip rookies Aljun Melecio at Ricci Rivero.
Si Mbala ay dapat sanang naglaro sa nakaraang Season 78 ngunit idineklarang ineligible dahil sa paglabag sa residency rules.
“Sobrang sipag, yung attitude ng bata, grabe, very competitive and ayaw magpahinga,” wika ni Ayo kay Mbala.
- Latest