Batang Pier nakalusot sa Kings sa overtime
MANILA, Philippines – Halos ayaw lisanin ni Barangay Ginebra coach Tim Cone ang basketball court dahil sa iginigiit niyang five-second violation kay Globalport point guard Stanley Pringle.
Subalit pinanindigan ni PBA Commisisoner Chito Narvasa ang resulta ng laro.
Tinakasan ng Batang Pier ang Gin Kings, 84-83, sa overtime para pitasin ang semifinals ticket ng 2015-2016 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Lalabanan ng Globalport ang No. 1 Alaska sa best-of-seven semifinals series.
“We all know Ginebra is a tough team and coach Tim is a good coach, pero breaks of the game ‘yun eh,” sabi ni Batang Pier mentor Pido Jarencio. “Credit sa boys. Deserve talaga nila ‘yung mapunta sa semis.”
Ang basket ni Billy Mamaril sa huling 4.1 segundo ang nag-akay sa Batang Pier sa extra period, 74-74, patungo sa kanilang 82-76 abante sa 2:35 minuto nito.
Naidikit ni Japeth Aguilar ang Gin Kings sa 83-84 agwat sa natitirang 8.0 segundo.
Inipit ng Ginebra si Pringle sa harap ng table officials hanggang tumunog ang final buzzer.
Iginiit ni Cone na dapat tumawag ang referee ng five-second violation laban kay Pringle
Samantala, magtutuos naman ang Rain or Shine at Talk ‘N Text sa isang knockout game ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena.
Tinalo ng No. 3 Elasto Painters ang No. 10 Blackwater Elite, 95-90, habang sinibak ng No. 5 Tropang Texters ang No. 7 NLEX Road Warriors, 90-88, para maitakda ang kanilang agawan sa semifinals seat.
Ang mananalo ang sasagupa sa No. 2 San Miguel sa semifinals series.
GLOBALPORT 84 - Pringle 25, Romeo 23, Washington 13, Yeo 11, Mamaril 4, Kramer 3, Semerad 3, Jensen 2, Maierhofer 0, Peña 0, Sumang 0.
Ginebra 83 - Slaughter 25, Tenorio 18, Devance 12, Caguioa 9, Mercado 9, Aguilar 6, Cruz 4, Ellis 0, Marcelo 0, Thompson 0.
Quarterscores: 18-16; 33-32; 53-53; 74-74, 84-83 (OT).
- Latest