Donaire payag sa rematch laban kay Juarez
MANILA, Philippines – Handa si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. na itaya ang kanyang suot na world super bantamweight crown laban kay Mexican Cesar Juarez sa isang rematch.
Ito ay sa kabila ng matinding pinagdaanan ng 33-anyos na si Donaire bago kunin ang unanimous decision win laban sa 24-anyos na si Juarez at angkinin ang bakanteng World Boxing Organization crown noong nakaraang Sabado sa Puerto Rico.
“The reason is lahat ng mga tao all around the world, nag-enjoy. So if we could give them another fight, let’s do it,” sabi ni Donaire sa panayam ng DZMM. “If they make the fight, okay sa akin.”
Posible ring labanan ni Donaire (36-3-0, 23 KOs) si undefeated American boxer Jessie Magdaleno (22-0-0, 16 KOs) maliban kay Juarez (17-4-0, 13 KOs).
Dalawang beses napabagsak ni Donaire si Juarez sa fourth round bago siya nagkaroon ng left ankle sprain nang matapakan ang paa ng referee.
Matapos ang insidente ay hindi na siya nilubayan ni Juarez hanggang sa ika-12 round.
Kaya naman ipinagmamalaki ng tubong Talibon, Bohol ang kanyang tagumpay kay Juarez.
“I’m very proud of this belt because it was a hard fight. Hindi lang ‘oh, first round knockout, oh, second round knockout,’” wika ni Donaire.
Ito ang ikalawang pagkakataon na naisuot ni Donaire ang WBO super bantamweight belt.
Una itong nakamit ni Donaire nang talunin si Wilfredo Vazquez Jr. noong 2012 bago ito naagaw sa kanya ni Guillermo Rigondeaux sa sumunod na taon.
- Latest