Ginebra pasok sa quarterfinals
MANILA, Philippines – Dumaan muna sa butas ng karayom ang Barangay Ginebra para makamit ang pang-limang quarterfinals berth.
Sinandalan ng Gin Kings ang dalawang magkasunod na three-point shot nina veteran guard LA Tenorio at No. 5 overall pick Scottie Thompson para takasan ang Blackwater Elite via double overtime win, 102-94 sa 2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Angeles University Foundation Arena sa Angeles City, Pampanga.
Ang salaksak ni Tenorio sa dulo ng laro ang tuluyan nang nagbigay sa Ginebra ng pang-limang panalo sa siyam na laro, habang nalasap ng Blackwater ang pang-limang sunod na kamalasan.
Nauna nang nagtayo ang Gin Kings ng 10-point lead, 75-65, sa 7:15 minuto ng fourth quarter bago kumamada si Reil Cervantes ng 12 points, habang ang basket ni Jason Ballesteros ang nagtabla sa Elite sa 84-84 sa natitirang 40.2 segundo patungo sa unang overtime.
Muling lumamang ang Ginebra sa 92-90 buhat sa three-point play ni seven-foot center Greg Slaughter sa 1:03 minuto kasunod ang basket ni Jerrick Canada na muling nagbigkis sa Blackwater sa 92-92 papunta sa ikalawang extra period.
Huling tumabla ang Elite sa 94-94 galing sa floater ni Carlo Lastimosa kasunod ang magkadikit na tres nina Tenorio at Thompson para sa 100-94 bentahe ng Gin Kings sa huling 1:21 minuto ng laban.
Samantala, tatargetin naman ng Rain or Shine ang kanilang pang-pitong panalo para makasosyo sa liderato sa pagsagupa sa Talk ‘N Text ngayong alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Puntirya ng Elasto Painters ang makapuwesto sa Top Two na naglalaan ng automatic semifinals seat, habang asam ng Tropang Texters ang masambot ang quarterfinals ticket.
GINEBRA 102 - Slaughter 35, Aguilar 25, Tenorio 19, Thompson 9, Caguioa 4, Cruz 4, Ellis 4, Devance 2, Mercado 0, Villamor 0, Salva 0.
Blackwater 94 - Cervantes 13, Dela Cruz 11, Erram 10, Gamalinda 10, Lastimosa 10, Cañada 9, Ballesteros 8, Cortez 8, Reyes 6, Sena 4, Agovida 3, Golla 2, Melano 0.
Quarterscores: 27-22, 42-46, 65-61, 84-84, 92-92, 102-94. (RC)
- Latest