Tigers sasagupa naman sa Bulldogs ngayon Tamaraws sa finals
MANILA, Philippines – Noong nakaraang UAAP season ay isinalpak ni Mac Belo ang isang buzzer-beating three-point shot para itakas ang Far Eastern University laban sa De La Salle University sa Final Four.
Kahapon ay muling nagpakabayani si Belo.
Isang putback ng 6-foot-4 na si Belo sa pagtunog ng final buzzer ang naghatid sa No. 2 Tamaraws sa 76-74 panalo kontra sa No. 3 Ateneo Blue Eagles sa Final Four ng 78th UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ang naturang tagumpay sa Ateneo ang nag-akay sa FEU, humawak ng ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four, sa best-of-three championship series.
“Si Belo lang naka-shoot nung huling tira, but it was a team effort kaya kami nakabalik sa Finals,” sabi ni coach Nash Racela.
Umiskor si Belo ng 15 points sa ilalim ng 16 markers ni Roger Pogoy na siyang nagsalpak ng isang mahalagang tres sa huling 1:08 minuto ng laro para itabla ang Tamaraws sa Blue Eagles sa 74-74.
Nagdagdag naman si veteran guard Mike Tolomia ng 13 points.
Nang kumabyos ang tirada ni Tolomia ay nakuha ni Belo ang offensive rebound para sa kanyang putback.
“Gusto namin nagko-contribute ang bawat isa para sa team,” ani Belo, miyembro ng Gilas Cadets ni coach Tab Baldwin na naghari sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Ang basket ni back-to-back UAAP Most Valuable Player Kiefer Ravena ang nagbigay sa Ateneo ng 74-71 bentahe sa huling 2:28 minuto ng fourth quarter.
Kumonekta naman si Pogoy ng isang triple para itabla ang FEU sa 74-74 sa huling 1:08 minuto ng laro.
Kumamada si Ravena ng game-high na 25 points para banderahan ang Blue Eagles kasunod ang 17 markers ni Adrian Wong at 15 ni Von Pessumal.
Samantala, lalabanan naman ng No. 1 University of Sto. Tomas ang No. 4 National University, ang nagtatanggol sa korona, ngayong alas-3:30 ng hapon sa Big Dome.
May bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage ang Tigers, hangad makatapat ang Tamaraws sa UAAP Finals, laban sa Bulldogs.
FEU 76 – Pogoy 16, Belo 15, Tolomia 13, Iñigo 9, Dennison 6, Jose 5, Ru. Escoto 4, Orizu 4, Arong 4, Tamsi 0.
Ateneo 74 – Ravena 25, Wong 17, Pessumal 15, Gotladera 8, Ikeh 4, Ma. Nieto 2, Go 2, Capacio 1, Babilonia 0, Black 0. A. Tolentino 0, Pingoy 0, V. Tolentino 0.
Quarterscores: 19-12: 38-32: 56-50: 76-74.
- Latest