Unang practice ng Gilas 4.0
MANILA, Philippines - Kumpleto silang lahat at hindi naitago ni coach Tab Baldwin ang kanyang kasiyahan nang magkasama-sama ang mga players na hiniling niya.
“It’s nice to have the cream of the Philippine basketball crop all on one court,” sabi ni Baldwin sa perfect attendance ng 17-player pool sa Day One ng paghahanda ng Gilas Pilipinas 4.0 para sa 2016 Olympic world qualifier. “It was 100-percent attendance, so I’m 100-percent happy.”
Maliban kay forward Ranidel de Ocampo na may injury, ang lahat ng miyembro ng pool ay nagpakita sa Meralco Gym noong Lunes ng gabi kabilang sina June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Greg Slaughter at Jeff Chan.
Sa kabila ng injury ay dumating din si Paul Lee kagaya nina Calvin Abueva ng Alaska na nanggaling sa airport mula sa two-game Dubai game ng Aces.
Hindi na kasama sina Gilas 3.0 team captain Dondon Hontiveros, Gary David at JC Intal sa bagong Gilas pool pero dumalaw pa rin at pinuri ni Baldwin.
Sinabi ni Baldwin na marami pa silang dapat gawin, ngunit nasa kanya na ang mga nauna niyang hiniling na mga players.
“We’re a long way from anything, really, right now, but it’s very heartening, I’m sure, for the whole basketball community to see this group of guys on the floor,” wika ni Baldwin.
“A perfect attendance is a good start,” sabi naman ni Gilas team mana-ger Butch Antonio.
Bago simulan ang una nilang ensayo ay pinulong ni Baldwin ang koponan sa conference room at tinalakay ang kanilang kailangang gawin para makuha ang tiket sa 2016 Rio Olympics.
Umaasa si Baldwin na makakabalik ang bansa sa Olympics sa susunod na taon.
Walang isa mang miyembro ng Gilas 4.0 ang isinilang nang huling maglaro ang Pilipinas sa quadrennial games noong 1972 sa Munich na pinamunuan nina Bogs Adornado, Jimmy Mariano at Robert Jaworski.
Mag-eensayo si Baldwin at ang national pool tuwing Lunes hanggang matapos ang PBA second conference kung saan lalo pang magiging intensibo ang ensayo para sa Olympic wildcard play stint na nakamit ng Gilas 3.0 dahil sa second-place finish sa China sa nakaraang Changsha FIBA Asia.
Sinabi naman ni Fajar-do, hindi sumipot sa nakaraang Gilas team bunga ng injury, na masaya sa muli niyang paglalaro para sa national team.
Inaasahan namang makakasama nila si naturalized player Andray Blatche makaraan ang Chinese league season sa susunod na taon.
Sinabi ni SBP executive director Sonny Barrios na kinakausap na nila ang agent ni Blatche para sa bago nitong contract.(NB)
- Latest