Go isa sa susi ng CSB sa 4-peat
MANILA, Philippines — Masayang tinapos ni Francis Mycah Go ang kanyang collegiate career dahil sa mga natamong tagumpay sa paglaro nito para sa College of Saint Benilde women’s volleyball team.
Isa sa susi sa four-peat ng Lady Blazers ay si Go at maliban sa kampeonato ay isasama nito sa kanyang pag-alis ang season at finals Most Valuable Player award na nasungkit sa pagtatapos ng NCAA 100 women’s volleyball tournament.
“Dalawang MVPs sa isang araw. This is really special, pero hindi ko ito makukuha kung wala ang mga teammates.” ani Go. “This is for our team.”
Winalis ng Taft-based squad ang Letran, 25-19, 25-22, 25-19 sa Game 2 ng kanilang best-of-three finals noong Miyerkules ng hapon sa FilOil-EcoOil Centre.
Kumana si Go ng siyam na puntos kapareho ni 1st Best Middle Blocker Zamantha Nolasco.
Paniguradong inspirado si Go sa susunod na yugto ng kanyang volleyball career dahil sa umaapaw ang tagumpay sa huling season nito sa NCAA.
Nakatakdang lumaro si Go sa pro-league matapos siyang mahablot ng ZUS Coffee bilang 17th overall pick sa second round ng katatapos na Premier Volleyball League, (PVL) rookie draft.
- Latest