3 tracksters ipapadala sa Australia para magsanay
MANILA, Philippines - Wala nang ibang patutunguhan ang Philippine athletics kungdi ang paakyat matapos mabigyan ng pagkaka-taon ang tatlong atleta na makapagsanay sa ibang bansa.
Sina SEA Games steeplechase gold medalist Christopher Ulboc, middle distance runner Mervin Guarte at 400m specialist Edgardo Alejan ay nakatakdang umalis sa huling linggo ng Oktubre o unang linggo ng Nobyembre para magsanay sa Perth, Australia.
“Sila ay naimbitahan ng Western Australia Athletic Commission para magpadala ng atleta kaya napili sila. Balak sana na sa US sila mag-train pero winter ngayon doon habang summer sa Perth kaya dito na lang sila pupunta,” wika ni PATAFA secretary-general Renato Unso.
Ang planong training na magtatagal sa loob ng tatlong buwan ay may endorso na ng Philippine Olympic Committee (POC) at ang hinihinging P1.8 milyon budyet ay ipinasa na rin sa Philippine Sports Commission (PSC).
Binibigyan ng magandang pagsasanay hindi lamang para makaabot sa qualifying standards ng 2016 Rio Olympics kungdi para na rin sa 2017 SEA Games at 2018 Asian Games.
Si Fil-Am Eric Cray, ang kauna-unahang Rio Olympian ng bansa ay masinsinang ang nagsasanay sa US habang ang batang pole vaulter na si Ernest John Obiena ay babalik uli sa Formia, Italy para ipagpatuloy ang pagsasanay sa batikang coach Vitaly Petrov.
Makakasama nina Ulboc, Guarte at Alejan si coach Odeon Arciaga para makita ang pagsasanay na ginawa sa Australia sa hangaring madala ang technique sa ibang atleta ng PATAFA. (AT)
- Latest