Webb kakaliskisan ng RoS
MANILA, Philippines – Nang mailuklok siya bilang bagong coach ng Star ay sinabi ni Jason Webb na ibang sistema ang kanyang gagawin para sa Hotshots.
Ngunit hihiram siya ng ilang bagay sa ‘Triangle Offense’ ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone.
“We have some ideas from the triangle, and you’re going to see some of it, but overall, it’s a little different,” wika ni Webb.
Makakaliskisan si Webb sa pagsagupa ng Star sa Rain or Shine ni mentor Yeng Guiao sa pagsisimula ng PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Magtutuos ang Hotshots at ang Elasto Painters sa ganap na alas-5:15 ng hapon matapos ang opening ceremonies sa alas-3.
Inamin ni Webb na may ‘pressure’ sa kanyang paggiya sa Star bilang kapalit ni Cone, dinala ng San Miguel Corporation sa Barangay Ginebra para palitan si Frankie Lim.
Si Webb ay naglaro sa PBA para sa mga koponan ng Sta. Lucia, Alaska at Tanduay.
Bukod kay Cone, lumipat din sa Gin Kings si power forward Joe Devance.
Muling sasandigan ni Webb sina two-time PBA Most Valuable Player James Yap, PJ Simon, Mark Barroca, Gilas Pilipinas mainstay Marc Pingris, Alex Mallari, Rafi Reavis at Allein Maliksi kasama pa ang nagbabalik na si Ian Sangalang, nanggaling sa ACL injury.
Ipaparada rin ng Hotshots ang mga bagong hugot na sina Jake Pascual at Ronald Pascual pati na si rookie center Norbert Torres.
Ang Star ay ang six-time Philippine Cup champions.
Hindi naman makikita sa bench ng Rain or Shine sina Ryan Araña (San Miguel), Jervy Cruz (Barako Bull) at Jonathan Uyloan (Globalport).
Itatampok ng Elasto Painters ang mga rookies na sina Fil-Nigerian Maverick Ahanmisi at Don Trollano ng Adamson Falcons, habang hihintayin pa nila si Josan Nimes ng Mapua Cardinals para sa pagtatapos ng 91st NCAA season.
Sa pagpapakawala kay Cruz ay nasambot ng Rain or Shine si 6-foot-6 Jewel Ponferrada.
- Latest