Lady Blaze Spikers nakabawi agad
MANILA, Philippines – Naibalik agad ng Petron Lady Blaze Spikers ang bangis ng paglalaro tungo sa 25-15, 25-14, 25-19 straight sets panalo sa Meralco Power Spi-kers sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Mahusay na dinala ng Brazilian setter na si Erica Adachi ang opensa ng koponan upang mahirapan ang depensa ng Power Spikers at maitabla ang karta sa 1-1 sa ligang inor-ganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo at ipinalalabas sa TV5.
Si Adachi ay mayroong pitong puntos kasama ang tatlong aces bukod pa sa 19 excellent digs. Salitan niyang pinuntirya ang mga pambatong sina Dindin Manabat, import Rupia Inck, Frances Molina at Rachel Anne Daquis upang mangailangan lamang ng 65 minuto para maibaon sa limot ang 25-18, 25-17, 16-25, 18-25, 14-16 pagkatalo sa Cignal HD Lady Spikers noong Sabado.
“We struggled last Saturday and we lost despite leading by two. For this game, I just want to be a leader and gave instruction during the game,” wika ni Adachi.
Nakabawi si Inck sa siyam na puntos sa unang laro sa paghakot ng 15 puntos mula sa walong attack points, dalawang blocks at limang aces, habang si Manabat ay mayroong 10 kills at dalawang blocks tungo sa 12 puntos.
Sina Daquis at Molina ay may tig-pitong puntos para sa mas balanseng pag-atake.
May pitong kills, tatlong blocks at dalawang aces tungo sa 12 puntos si Cha Cruz ngunit wala pa ring kinang ang ibang kakampi para bumaba ang Meralco sa 0-2 baraha.
Patuloy na nagkaroon ng problema sa receptions ang Power Spikers at patunay ito sa 11 aces na kinuha ng Petron sa kabuuan ng tagisan. (AT)
- Latest