UAAP Cheerdance na
Schedule NGAYON
(Mall of Asia Arena,
Pasay City)
2 p.m. – UAAP Cheerdance Competition
MANILA, Philippines - Hahangarin ng National University Pep Squad ang ikatlong sunod na titulo sa 78th UAAP cheerdance competition ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang Lady Bulldogs ang siyang nagdomina sa kompetisyon sa huling dalawang edisyon at kung mapalawig nila sa taong ito ang pangunguna ay magi-ging ikatlong koponan ang NU na naka-three-peat sa kompetisyon.
Ang mga paaralang unang nakagawa ng tatlong sunod na titulo ay ang UST Salinggawi Dance Troupe at UP Pep Squad.
May walong cheerdance titles ang UST at UP at tiyak na pareho silang naghanda para mangibabaw uli sa kompetisyong sinimulan noong 1994.
Huling cheerdance title ng UST ay noon pang 2006 habang ang UP ay kuminang noong 2012. Ngunit ang State University Pep Squad ang pumangalawa sa NU sa huling dalawang edisyon para ipakita na lumalaban pa rin.
Tinitignan ng mga hurado ang galing sa pagsasagawa ng tumbling, stunts, tosses, pyramids at pagsasayaw para madetermina ang kampeon.
Ang UP ang siyang mauunang magtanghal bago sundan ng La Salle Animo Squad, Ateneo Blue Babble Battalion, NU, UE Pep Squad, Adamson Pep Squad, FEU at UST.
Isasagawa rin ang labanan sa group stunts category at ang Tamaraws ang magsisikap na maidepensa ang hawak na titulo.
Bukas ay tiyak na mapupuno uli ang MOA Arena dahil magtutuos ang magkaribal na paaralan ng Ateneo Eagles at La Salle Archers sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
- Latest