PSC puwedeng pondohan ang mga world class athlete
MANILA, Philippines - Walang dapat na ipag-alala ang mga atletang gustong maging world class dahil may nakalaang pondo para sa kanila ang Philippine Sports Commission (PSC).
Ito ang sinabi mismo ni PSC chairman Ricardo Garcia kahapon na nagdiwang ng kanyang ika-70th kaarawan.
“We have the money to give to those deserving athletes who can become a world champion,” ginagarantiya ni Garcia.
Hindi umano problema ang pondo sa PSC pero hindi nila puwedeng gastusin nang gastusin ang pera kung hindi makikitaan ng resulta ang tinutulungang atleta.
Tinuran pa ni Garcia ang itinatag na priority athletes program ng kanyang administrasyon na kung saan ang isang atleta ay tatanggap ng P40,000 allowance at P40,000 pondo sa pagsasanay kung nanalo ng ginto sa SEA Games at Asian Games.
Kapag nakuha ang ginto sa SEAG, dalawang taon ito tatanggap ng ganitong halaga habang apat na taong makikinabang ang atleta kung sa Asian Games ito kuminang.
Pero kailangang manalo uli ang atleta ng ginto para manatili sa prog-rama dahil kung hindi ay babalik siya sa regular na tinatanggap ng isang manlalaro.
Ilang atleta ang balak na alisin ng PSC dahil hindi na nakapaghatid ng karangalan at dahil dito, nagpaplano si POC president Jose Cojuangco Jr. na pumili rin ng atleta na kanyang susuportahan.
Samantala, dalangin ni Garcia sa kanyang kaarawan ang makita ang Pilipinas na manalo ng kauna-unahang gintong medalya sa 2016 Rio Olympics.
Malaking posibilidad na ang Rio Games ang huling Olympics na sasaksihan ni Garcia bilang isang PSC chairman at umaasa siya na suwertehin ang ipadadalang atleta para magkaroon ng magandang pagtatapos ang paglilingkod sa Komisyon.
- Latest