Lim vs Tierro sa finals
MANILA, Philippines – Sinibak ng batang si AJ Lim ang beteranong si Johnny Arcilla, 7-5, 4-6, 6-1 kahapon upang itakda ang title showdown laban kay defending champion PJ Tierro sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event na ginaganap sa PCA Plaza Dilao clay courts sa Paco, Manila.
Mas magandang laro ang ipinakita ng 16-gulang na si Lim laban sa 35-gulang na si Arcilla, lalo na sa ikatlo at deciding set kung saan nakitaan ito ng malalakas na forehand winners at solid baseline game.
“I just came into our match with a mindset of just focusing on what I can do. In the first set I played calm but I lost my concentration in the second set,” sabi ni Lim. “I’m happy I regained by composure in the third set, which really helped me a lot.”
Ang panalo ay nagtakda ng pagharap ni Lim kay Tierro, na walang hirap na pumasok sa finals dahil hindi sumipot sa laban si Enebert Anasta dahil sa personal na kadahilanan.
Tangka ni Tierro ang ikalawang sunod na titulo matapos talunin si Arcilla noong nakaraang taon.
Dahil sa kanilang pagpasok sa finals, sina Lim at Tierro ay nakasisiguro na sa main draw ng 2015 Manila International Tennis Federation Men’s Futures Leg 2 na hahataw sa Oct. 13 sa parehong venue.
Sina Arcilla, Anasta at iba pang losing quarterfinalists ay may slot naman sa qualifying round ng naturang ITF event.
- Latest