Blaze Spikers pinatumba ng malalaking Kazakhstan
PHU LY, Vietnam – Muli na namang nakalasap ng kabiguan ang Blaze Spikers.
Yumukod ang Petron kontra sa Zhettysu VC ng Kazakhstan, 17-25, 18-25, 20-25, sa classification round ng 2015 AVC Asian Women’s Club Volleyball Championship kahapon dito sa Ha Nam Competition Hall.
Bunga ng kabiguan ay makikipag-agawan na lamang ang mga Pinay sa pang-pitong puwesto laban sa matatalo sa pagitan ng 4.25 Sports Club ng North Korea at Lietvietpost Bank ng host country ngayong hapon.
Humataw si Rachel Anne Daquis ng 8 kills para tumapos na may 9 points sa panig ng Blaze Spikers.
Hindi nakaporma ang Petron sa Zhettysu VC na may average height na 6-foot-2 at pinalakas ng 10 miyembro ng Kazakhstan national women’s team.
Nagtala sina Dindin Manabat at reinforcement Rupia Inck Furtado ng 8 at 7 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Petron, ginagamit ang liga bilang paghahanda sa darating na Philippine Superliga Grand Prix sa Oktubre.
“They have the height and the reach, mahirap tapatan ‘yun,” wika ni coach George Pascua. “We tried our best to neutralize and take that height advantage away from them.”
- Latest