Ubas humabol ng gold sa Thailand Invitational
MANILA, Philippines - Humabol pa si Junry Ubas ng isa pang ginto para magkaroon ng dalawang ginto ang tatlong atleta na inilaban ng PATAFA sa 2015 Thailand Open Invitational Track And Field Championships sa Bangkok kamakailan.
Si Ubas ay panlaban sa decathlon at isinantabi niya ang apat na Thai rivals para masundan ang karangalan na ibinigay ni Ernest John Obiena.
Matapos ang sampung events, si Ubas ay nakalikom ng 6,196 puntos para hiyain ang mga Thai bets na may malayong 5533 at 5143 para sa pilak at bronze medals.
Bago ang kompetisyong ito ay sumali si Ubas sa decathlon sa SEA Games sa Singapore noong Hunyo at nagawa niyang angkinin ang bronze medal tangan ang 6796 puntos.
Si Obiena ang naghatid ng unang ginto sa Pilipinas nang maalpasan ang 5.40m bar sa pole vault na isa ngayong bagong national record.
Ang pangatlong isinali ng PATAFA ay si Ryan Bigyan sa 400m run pero hindi siya pinalad nang tumapos sa ikapito sa walong tumakbo sa 49.29 segundo.
Hindi na nakapagpadala ng maraming panlaban ang PATAFA dahil ang karamihan sa national pool ay bumalik sa kanilang mother units sa Armed Forces of the Philippines.
Si Fil-Am Eric Cray ay hindi na rin sumali sa 400m hurdles na kung saan siya ay nakapasok sa Rio Olympics.
- Latest