Lady Eagles patuloy ang paglipad
MANILA, Philippines – Ginamit ng Ateneo Lady Eagles ang aspeto na dapat na malakas ang FEU Lady Tamaraws, ang depensa para kunin ang madaling 25-19, 25-14, 25-18 straight sets win upang manatiling malinis ang record sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May dalawang blocks si Kim Gequillana para durugin ng Lady Eagles ang Lady Tamaraws sa blocks, 5-0.
May 16 excellent digs sa 43 attempts ang libero na si Ella De Jesus upang mapigil ang mga kamador ng FEU na bumaba sa 4-2 karta.
Tumapos si Alyssa Valdez taglay ang 15 puntos mula sa 13 kills at tig-isang block at service ace, habang sina Jhoanna Maraguinot at Amy Ahomiro ay mayroong 11 at 9 puntos.
Naghati ang dalawang spikers sa 14 attack points para bigyan ang Ateneo ng 38-25 bentahe.
Ang huling laro ng Ateneo ay laban sa National University Lady Bulldogs sa Setyembre 6 para mapapanatili ang winning momentum papasok sa Final Four.
Si Jovelyn Gonzaga ay may 11 puntos na lahat ay sa atake ginawa, ngunit si Bernadeth Pons ang sumunod na scorer para sa nagdedepensang kampeon tangan lamang ang limang puntos.
Kailangan ngayon ng FEU na manalo sa huling laro kontra sa UST Tigresses sa Setyembre 5 para dumiretso sa semifinals.
May posibilidad na magkaroon ng playoff para sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four matapos magwagi ang Arellano Lady Chiefs laban sa talsik nang La Salle-Dasmariñas Lady Patriots sa ikalawang laro, 25-20, 25-17, 25-15.
Naghatid si Menchie Tubiera ng walong kills, tatlong aces at dalawang blocks para umakyat ang Lady Chiefs sa 3-3.
Kailangang manalo ang Arellano sa huling asignatura laban sa St. Benilde Lady Blazers sa Setyembre 5 at manalangin na isa sa UST, FEU at pahingang NU ay matalo sa kanilang huling dalawang laro para makatabla sa ikaapat na puwesto.
- Latest