Lady Eagles pupuntiryahin ang unang semifinals berth
MANILA, Philippines - Dagitin ang unang silya sa semifinals ang target ng Ateneo Lady Eagles sa pagharap sa Arellano Lady Chiefs sa quarterfinals ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
May 4-0 baraha ang Ateneo at sila ay sasandal muli sa galing ni Alyssa Valdez para talunin ang Arellano sa larong magsisimula sa alas-3 ng hapon.
Una munang magtutuos ay ang UST Tigresses at ang UP Lady Maroons sa alas-12:45 ng hapon at pagsisikapan ng Tigresses ang makakalas sa pagkakatabla sa National University Lady Bulldogs at FEU Lady Tamaraws sa ikalawang puwesto sa 3-1 baraha.
May 0-4 baraha ang Lady Maroons at asahan na gagawin ang lahat ng makakaya para makatikim ng panalo at panatiling buhay ang pagnanais na makausad sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Balik na muli ang tikas ni Valdez na kumana ng 29 puntos sa four-set panalo sa UP sa huling laro.
Nasa unang puwesto muli si Valdez na bitbit ang 104 puntos, kasama ang 82 kills, ngunit hindi niya sinosolo ang trabaho dahil nakikitaan din ng husay sina Jhoanna Maraguinot, Bea de Leon, Amy Ahomiro at Kim Gequillana.
May 2-2 karta ang Lady Chiefs at nasa ika-limang puwesto at sina Carmina Aganon, Danna Henson at Cristine Joy Rosario ang magdadala ng laban.
- Latest