UP, FEU Spikers magpapalakas ng tsansa sa susunod na round
MANILA, Philippines - Pag-iinitin ng UP Maroons at FEU Tamaraws ang paghahabol ng puwesto sa susunod na round sa pagsalang sa aksyon sa Spikers’ Turf Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kasukatan ng Maroons ang La Salle-Dasma Patriots sa ganap na alauna ng hapon at hanap ang ikatlong panalo para makaupo na sa quarterfinals kasama ang Ateneo Eagles at La Salle Archers sa Group B.
Dapat na paghandaan ng Maroons ang Patriots dahil makaaasang gagawin nila ang lahat ng makakaya para manalo sa must-win game.
May 0-3 karta ang Patriots at kasali ang Arellano Chiefs sa hu-ling puwesto pero ang makukuhang panalo ay magpapanatili pang buhay sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Kailangan ng alinman sa Patriots at Chiefs na walisin ang natitirang dalawang laro at umasang hindi lalampas sa dalawang panalo ang alinman sa UP at St. Benilde Blazers para magkaroon ng playoff sa huling upuan sa quarterfinals sa grupo.
Ang Tamaraws ay masusukat sa National University Bulldogs dakong alas-3 ng hapon at hinahabol ang pangalawang panalo matapos ang apat na laro.
Nakaabante na ang Bulldogs sa 3-0 karta ngunit mangangagat pa ito dahil carry-over ang record papasok sa quarterfinals.
Ang huling laro dakong alas-5 ay ang pagtutuos ng Eagles at Chiefs at balak ng una ang pang-apat na sunod na panalo.
Inaasahang magagawa ng Ateneo ang kanilang layunin dahil ang katapat na Arellano ay nasa kulelat na posis-yon bunga ng tatlong sunod na talo katulad ng DLSU-Dasmariñas. (AT)
- Latest