Cafe France maghahabol sa twice-to-beat
MANILA, Philippines - Matapos ang 20 araw na pamamahinga ay babalik sa aksyon ang Café France Bakers para palakasin ang paghahabol ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa JCSGO Gym, Cubao, Quezon City.
Makakaharap ng Bakers ang Cebuana Lhuillier Gems sa ikalawang laro dakong alas-2 ng hapon at ikapitong panalo matapos ang siyam na laro ang kanilang maiuuwi na sapat na para okupahan ang isa sa dalawang insentibo sa susunod na round.
May two-game winning streak ang tropa ni coach Edgar Macaraya ngunit huli silang nag-laro noon pang Disyembre 18 laban sa Breadstory-LPU Pirates na kanilang tinalo, 88-74.
Nananalig si Macaraya na hindi magbabago ang laro nina Maverick Ahanmisi, Joseph Sedurifa at Rodrique Ebon-do dulot ng mahabang bakasyon dahil todo-laro ang inaasahan sa Gems para manatiling palaban sa twice-to-beat advantage.
May 4-3 karta ang Gems at kung magagawa nilang manalo ay didikit sila sa isang laro para makapantay ang Café France at Jumbo Plastic Giants na magkasalo sa 6-3 baraha.
“I hope the team’s motivation to earn the twice-to-beat advantage will produce positive results,” wika ni Macaraya.
Unang laro ay sa pagitan ng Pirates at Wangs Basketball Couriers sa ganap na ika-12 ng tanghali at ang mananalo ay mananatiling buhay ang katiting na tsansa na maalpasan ang elimination round.
Parehong may 2-5 karta ang dalawang koponan at kailangan ng Pirates at Couriers na walisin ang nalalabing apat na laro para umabante sa quarterfinals.
Ang Cagayan Valley Rising Suns ay magtatangka na pantayan ang pahingang Hapee Fresh Fighters sa pagsukat sa Tanduay Light Rhum Masters sa ikatlong laro dakong alas-4 ng hapon.
Parehong selyado na ng Rising Suns at nangungunang Fresh Fighters ang dalawang awtomatikong upuan patungong semifinals pero nais pa rin ng Cagayan na manatili ang winning streak bilang paghahanda sa pagkikita ng dalawang walang talong koponan sa Enero 22. (AT)
- Latest