Isa nang coach si Caligdong
MANILA, Philippines – Ang dating Azkals captain na si Chieffy Caligdong ay isa nang lisensiyadong coach matapos itong magretiro sa paglalaro sa National team noong nakaraang taon.
Para kay Caligdong, kung mas maagang mae-expose sa high-level competitions ang mga batang players, mas maigi.
“The earlier na ma-expose sila sa laro, the better,” sabi ng 32-gulang na si Caligdong na nagretiro upang bigyang daan ang mga mas batang players na mas mapapakinabangan sa Azkals.
Gayunpaman ay naglalaro pa rin si Caligdong sa United Football League.
“After two more years, mas magagaling na ang mga players natin na mas bata. Meron na tayong puhunan, hindi na tayo mahihirapan kung saan kukuha,” aniya. “Isipin mo yung ibang bansa, paano sila nagpe-prepare? five years before the competition? Matalo man ngayon, reresbak sa final sa second competition. So iyun ang isipin din natin.”
Inihalimbawa ni Caligdong ang kaso ng 19-gulang na defender na si Amani Aguinaldo na ipinasok sa starting role sa 2014 Asian Football Confederation (AFC) Challenge Cup at sa 2014 Asean Football Federation (AFF) Suzuki Cup matapos magka-injury si veteran Juani Guirado.
“Amani is a strong player, magaling na bata. Pero kung bibigyan natin siya ng chance next year pa, ano’ng makukuha natin sa kanya? Wala. Last year, alam niyang nag-contribute siya at nakita niya kung ano ang kulang niya,” ani Caligdong.
Napipintong makasama si Caligdong sa coaching staff ng isang national youth team na sasabak sa international competition. (OL)
- Latest