J. Hernandez namumuro sa winningest jockey
MANILA, Philippines - Hindi malayong kilalaning muli si Jonathan Hernandez bilang winningest jockey sa taong 2014.
Ang mga panalong nakuha sa Hagdang Bato at Malaya sa Presidential Gold Cup at Philracom Grand Championship ang seselyo sa kanya bilang hineteng may pinakamalaking kinita sa industry.
Bago pa ang dalawang malalaking karerang ito ay pumaimbulog na si Hernandez sa kanyang hanay nang manalo ng P4,170,534.20 matapos lamang ang 574 takbo hanggang sa buwan ng Nobyembre.
Ang bilang ng sakay ay mas mababa kumpara sa mga hineteng nalagay sa sumunod na apat na puwesto.
Ngunit si Hernandez ang kumabig ng pinakamaraming panalo sa naitalang 170 panalo bukod pa sa 103 segundo, 86 tersero at 61 kuwarto puwestong pagtatapos.
Si Fernando Raquel Jr. ang nasa ikalawang puwesto pero binibigyan siya ng matinding hamon ni Mark Alvarez, habang ang napahingang si Jessie Guce ay nasa ikaapat na puwesto.
May P3,494,791.21 premyo na si Raquel sa 156 panalo, 100 segundo at tig-86 tersero at kuwarto puwesto matapos ang 688 takbo pero nakadikit sa kanya si Alvarez na may P3,441,568.80 mula sa 796 diskarte at 146-129-93-93 una hanggang pang-apat na puwestong pagtatapos.
Si Guce na nagpapagaling matapos mahulog sa kabayo ilang buwan na ang nakakalipas ay may P3,388,564.16 premyo sa 833 takbo (128-123-117-112) habang si Pat Dilema ang nasa ika-limang puwesto tangan ang P2,984,878.63 matapos ang 588 takbo at 139-93-76-68 karta.
Ang iba pang hinete na sina Kevin Abobo (P2,446,867.25), John Alvin Guce (P2,195,920.16), Jordan Cordova (P2,008,885.81), Dominador Borbe Jr. (P1,702,265.22) at Jeff Zarate (P1,658,855.80) ang nakapasok sa unang sampung puwesto sa talaan. (ATan)
- Latest