ASEAN University Games 1 pang gold hatid ng Ateneo taekwondo jins
MANILA, Philippines - Nagningning ang taekwondo jins ng Team UAAP-Philippines sa pagtatapos ng tatlong araw na taekwondo competition ng 17th ASEAN University Games nitong Huwebes sa Palembang, Indonesia.
Naghari si University of Santo Tomas standout Aries Capispisan sa men’s 80 kg. category matapos igupo si Mohamad Akmad Omar ng Malaysia habang iginupo ng Shiryl Badol ng National University si Indonesian Sribuena Resmol para pangunahan ang women’s 53 kg. event.
Dagdag ito sa ibinigay ng Ateneo taekwondo mainstay na si Aaron Agojo na gold mula sa men’s 58 kg.
Ang unang gold ng Team UAAP ay galing sa poomsae mixed pair nina Rodolfo Reyes at Jocel Ninobla ng University of Santo Tomas noong Martes.
May dalawa pang silver medals na nakuha kahapon sina Korina Paladin ng UST at Arven Alcantara ng NU bukod pa sa bronze ni Joel Alejandro ng Ateneo.
Sa kabuuan, ang Team UAAP Philippines ay mayroon nang apat na golds, four silvers at four bronze sa likod ng Thailand na may walong golds, tatlong silvers at tatlong bronzes.
Nasa ikatlong puwesto ang host Indonesia sa final taekwondo standings sa kanilang 3-5-3 gold-silver-bronze medals na produksiyon.
Nahigitan na ng Team UAAP-Philippines ang kanilang dalawang gintong produksiyon noong 2012 sa Laos na galing din sa taekwondo.
Ginanap ang AUG opening ceremony kahapon sa Stadium Sriwijaya Jakabaring Palembang na pinangunahan ni Indonesia vice president Yusuf Kalla tampok ang pagsisindi ng AUG 2014 torch at nagkaroon ng makulay na dance presentation na tinapos ng fireworks display na nagpaliwanag sa kalangitan ng Palembang.
Ang palarong ito para sa mga student athletes ay hanggang Dec. 21 kung saan 20-sport ang paglalabanan.
- Latest