Presidential Gold Cup sa SLLP
MANILA, Philippines - Nagkasundo ang mga malalaking personalidad sa horse racing na sa San Lazaro Leisure Park Carmona, Cavite isagawa ang 42nd Presidential Gold Cup.
Ang karerang inialay para sa Pangulo ng bansa ay suportado ng Philippine Charity Sweepstakes Office at ito ay gagawin sa Disyembre 21.
Naisara ang usapin sa venue ng prestihiyosong karera sa paglagda sa Me-morandum of Agreement ng PCSO, Philippine Ra-cing Commission at host Manila Jockey Club, Inc. kamakailan.
Si PCSO General Manager at dating Philracom chairman Atty. Jose Ferdinand M. Rojas II ay naghayag na muling maglalabas ng P5 milyong pondo para sa magiging premyo ng mangungunang apat na kabayo bukod sa winning breeder.
Sa kabilang banda, ang Philracom, sa pamumuno ni chairman Angel Castano Jr. ay maglalabas ng P1 milyong pondo na ibibigay sa mananalong kabayo sa karerang pag-lalabanan sa mahabang 2,000-metro distansya.
Pinasalamatan naman ni MJCI President at COO Atty. Alfonso Reyno III ang pagkakapili sa nasabing racing club para pagdausan ng karera.
Ito na ang ikapitong pagkakataon na ang SLLP ang pagdarausan ng PGC mula 2003 at ikalawang sunod matapos ang 2013 edisyon.
Ang Pugad Lawin ang nagdedepensang kampeon at magtatangka ang kabayong pag-aari ni Tony Tan na maging ikalimang kabayo pa lamang na naka-back-to-back.
- Latest