San Beda may pride maglaro
MANILA, Philippines - Kung may isang bagay na itinuro si San Beda Red Lions coach Boyet Fernandez sa kanyang mga manlalaro, ito ay ang laging maglaro taglay ang pride ng isang champion team.
Sa lahat ng hinarap na laban ng koponan sa Season 90 ay hindi sila nagpabaya gaano man kalaki o kaliit ang kanilang kalamangan sa kalaban.
Ang Game Two sa Finals kontra sa Arellano Chiefs ang patunay sa ‘pride’ ng San Beda dahil malaki na ang kanilang bentahe at patuloy silang dumedepensa para matapos ang laban taglay ang kahanga-hangang 89-70 tagumpay tungo sa 2-0 sweep.
“Iyong mental approach namin ngayon is different compared to last year. Talagang iba ang nilaro namin this year dahil wala kaming sinanto, lahat nilabanan namin,” wika ni Art dela Cruz.
Kahit si Anthony Semerad na kinilala bilang Finals MVP matapos gumawa ng 44 puntos sa dalawang laro ay saludo sa itinatak ni Fernandez sa koponan.
“It’s pride and the heart of the Lion,” agad na tugon ni Semerad kung bakit naisakatuparan ng Lions ang misyon na 5-peat para matapatan ang nagawa ng San Sebastian Stags noong 1993 hanggang 1997.
Hindi naman sinolo ni Fernandez ang kredito sa panalo dahil walang epek-to ang nais na ipagawa kung hindi rin susunod ang mga manlalaro.
Pinasalamatan din niya ang San Beda community, kasama ang mga bumatikos sa kanya lalo na sa unang taon sa liga, dahil tinulungan siya ng mga ito para magpakahusay sa ginagawang trabaho sa koponan.
“Thank you for ma-king me a good coach,” wika ni Fernandez na iiwan na ang koponan para hawakan ang NLEX Road Warriors sa PBA.
Wala nang dapat na tahakin ang Lions kungdi ang maging kauna-unahang koponan sa prestihiyosong liga na maka-anim na sunod na kampeonato at mismong ang number one supporter ng koponan na si Manny V. Pangilinan ang nagsabi nito.
“Well done, San Beda. Good job. On to our 6th peat,” post agad ni Pa-ngilinan sa kanyang Twitter ilang minuto matapos personal na saksihan ang kumbinsidong panalo ng San Beda.
Tiyak na may mga pagbabagong mangyayari sa Lions ngunit hindi mawawala ang itinatak na pride sa bawat manlalaro at mainit na suporta ng komunidad sa pangunguna ni MVP para mangyari ang hanap na pagpapalawig sa kanilang 5-peat sa Season 91.
- Latest