MP Hotel Warriors handang makipagsabayan
MANILA, Philippines - Hindi lamang sa PBA handang manggulat ang koponang may kuneksyon kay Pambansang Kamao Manny Pacquiao.
Sa isinagawang PSA Forum sa Shakey’s Malate, walang takot na sinabi ni Arvin Bonleon, head coach ng MP Hotel Warriors,ang kahandaan na makipagsabayan sa ibang koponan sa PBA D-League Aspirants’ Cup na magbubukas sa Oktubre 27 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
“Karamihan sa mga players namin ay from Cebu at Mindanao at sanay sa ligang labas. Goal namin is number one para kung malaglag kami, nasa number two o three,” wika ni Bonleon.
Ang MP Warriors ay pag-aari ni Pacquiao na noong Linggo sa pagbubukas ng Philippine Cup ay nakapanggulat nang ilampaso ng Kia Sorento ang Blackwater Elite sa 80-66 panalo.
“Ang motivation namin ay si boss Manny. Basta kami, ready kami na makapagbigay ng magandang laban bawat game,” dagdag ni Bonleon.
Sina tournament director Eric Castro, PBA operations manager Ricky Santos ay dumalo rin at sinamahan ang ibang team representatives na sina Joel Dualan ng Jumbo Plastic Linoleum, Edwin Ancheta ng AMA, Jun Tiong-co ng Café France, Bong Ramos ng Cebuana Lhuillier, Emerson Colina ng Breadstory-Lyceum, Mario Bonleon ng Cagayan Valley, Eric Gonzales ng MJM M-Builders/FEU, Jimmy Manansala ng Racal Motors-St. Clare College, Jack Santiago ng Tanduay Light, Paolo Lucas ng Wangs Basketball at Benjie Paras ng Hapee-San Beda.
Dahil bitbit ang mga star players ng San Beda sa pangunguna nina Baser Amer at Ola Adeogun bukod pa kina Bobby Ray Parks Jr., Arnold Van Opstal, Chris Newsome, NCAA MVP Earl Scottie Thompson at Garvo Lanete, ang Hapee ang outstanding favorite sa mga kasaling koponan na mananalo ng titulo.
Bagong kampeon ang lalabas sa first conference ng liga dahil wala na ang nagdedepensang kampeong NLEX Road Warriors na kasama ng one conference titlist Blackwater Elite ay umakyat na sa PBA.
Single round robin ang magaganap at ang top-two teams ay didiretso na sa semifinals. (AT)
- Latest