Spurs ‘di nakaporma sa Suns
PHOENIX -- Umiskor si Goran Dragic ng 20 points para igiya ang Phoenix Suns sa 121-90 panalo laban sa San Antonio Spurs sa isang exhibition game.
Naglaro ang Spurs na wala ang kanilang limang top players pati na si coach Gregg Popovich.
Hindi bumiyahe sina Popovich, Tim Duncan at Manu Ginobili sa Phoenix para makapagpahinga matapos ang mga laro ng Spurs sa Turkey at Germany noong nakaraang linggo.
Si assistant coach Ettore Messina ang gumiya sa Spurs.
Sina Kawhi Leonard (right eye infection), Tiago Splitter (calf strain) at Patty Mills (shoulder) ay hindi rin naglaro para sa San Antonio.
Humingi ng paumanhin si Suns owner Robert Sarver sa mga fans sa hu-ling 2:31 minuto ng laro dahil sa hindi paglalaro ng kanilang mga sikat na players.
Sinabi niya sa mga fans na maaari nilang ipadala ang kanilang mga ticket stubs para makakuha ng regalo mula sa Spurs.
Sa, Anaheim, California, umiskor si Gordon Hayward ng 16 points para banderahan ang Utah Jazz sa 119-86 tagumpay laban sa Los Angeles Lakers sa isang preseason game.
Kumamada si Kobe Bryant ng 27 points mula sa 10-for-23 shooting sa loob ng 28 minuto para sa Lakers (1-3). Nagdagdag naman si Carlos Boozer ng 17 points habang si Jordan Hill ay may 12 points at 14 rebounds.
Naglaro ang Los Angeles na wala ang 40-an-yos na si Steve Nash matapos sumakit ang likod dahil sa pagdadala ng mga bag noong Miyerkules sa kanyang bahay sa Manhattan Beach.
Si Ronnie Price ang pumalit sa kanya at nagtala ng 8 points sa 27 minuto. Hindi rin nakita sa aksyon si Jeremy Lin (sprained left ankle).
Sa iba pang preseason game, tinalo ng Boston ang Philadelphia, 111-91; giniba ng New Orleans ang Oklahoma City, 120-86; pinayukod ng Chicago ang Atlanta, 85-84; at dinaig ng Golden State ang Denver, 104-101.
- Latest