46 aplikante na sa PBA draft
MANILA, Philippines - Posibleng umabot sa 50 ang bilang ng mga aplikante na mayroon nang 15 Fil-foreigners, sa pagsapit ng Aug. 13 deadline para sa PBA rookie lottery sa Agosto 24 sa Robinson’s Manila.
Sa 46 aplikante, wala sa listahan sina Gilas cadet players Kevin Alas, Garvo Lanete, Ronald Pascual, Matt Ganuelas at Jake Pascual, ngunit sinabi ng isang source na dalawa sa N-Lex Road Warriors ay maaaring sumali sa draft.
Ang 26-anyos na si Pascual ang sinasabing tiyak nang lalahok sa draft dahil nagsumite na ng aplikasyon ang San Sebastian standout noong 2012 ngunit umatras ito para sumama sa Gilas cadets pool.
Ang varsity teammates ni Pascual na sina Calvin Abueva at Ian Sangalang ay naglalaro na sa PBA.
Makikipag-usap ang limang N-Lex players sa kanilang team officials nga-yong linggo para magdesisyon.
Sinabi ng source na may tatlong first round pick ang N-Lex, bumili sa Air21 franchise, sa 2015 draft at maaaring kunin ang iba pang Road Warriors kung gagamitin ang mga ito.
Ang Meralco at ang Talk ‘N’ Text ang may-ari ng first at second round pick sa 2015 kaya may kabuuang limang first round picks ang MVP Group teams.
Ngayong 2014 draft, hawak ng N-Lex ang fourth overall pick at hindi naman pipili ang Meralco at Talk ‘N’ Text sa first round.
Hindi rin pipili ang Meralco at N-Lex sa second round kung saan hawak ng Texters ang eighth slot.
Samantala, si WBO welterweight champion Manny Pacquiao ang pinakamatandang draft applicant sa edad na 35-anyos.
Subalit hindi siya ang pinakamaliit o pinakamagaan sa listahan.
Si Pacquiao ay 5-6 1/2 at kalaha-ting pulgadang mas malaki sa draft candidate na si Jeff Montemayor ng Jose Rizal University.
May bigat siyang welterweight limit na 147 na mas mabigat sa 135 na si Technological University of the Philippines guard Allan Tria.
Ngunit si Pacquiao ang mas kilala sa 46 applicants at inaasahang magiging star ng draft show.
Siya ay inaasahang kukunin ng Kia Motors na bitbit ang 11th overall slot sa first round.
Nagsumite rin ng kanyang aplikasyon ang pinsan ni Pacquiao na si Rene.
Ang 27-anyos at 6’5 forward mula sa Southwestern University ay naglaro sa Hog’s Breath sa PBA D-League.
Ang iba pang maaaring makuha sa draft list ay sina Jericho Cruz at Rodney Brondial ng Adamson, Clark Bautista ng UST, Ralf Olivares ng UE, Jovet Mendoza ng La Salle at Gab Banal ng Mapua.
Balitang maaaring sumali si dating NU star Bobby Ray Parks sa draft.
Umalis siya ng bansa at nakibahagi sa mga US camps matapos ang nakaraang PBA D-League conference. Dalawang beses siyang inimbitahang sumama sa ensayo ng Los Angeles Lakers.
Umaasa si Parks na makakapaglaro siya sa NBA D-League bilang pagha-handa sa pagsali sa NBA draft.
Maaari naman sumali o umatras sa draft ang sinasabing magiging first overall pick na si Stanley Pringle ng Penn State dahil sa hinihingi nitong diumano’y $20,000 a month salary sa Globalport.
- Latest