2014 WorlD Pool team championship, Phl team diretso sa last 8
MANILA, Philippines - Binokya ng Pilipinas ang Indonesia, 4-0, para itala ang pagkikita laban sa nagdedepensang kam-peong Chinese Taipie sa 2014 World Pool Team Championship na ginagawa sa Tongzhou Luhe High School sa Beijing, China.
Nagsimula ang knockout round kahapon at nangibabaw sina Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Carlo Biado at Rubilen Amit kina Bewi Simanjuntak M.Bewi, Rudy Susanto, Muhammad Fadly at Silvania sa Last 16.
May 6-0 panalo si Orcollo sa 8-ball singles, may 6-5 tagumpay sina Corteza at Biado sa 8-ball doubles habang nanaig din ang Pilipinas sa 9-ball men’s at women’s singles para sa sweep.
Ito ang ikalawang sunod na shutout panalo ng Pilipinas matapos ang 6-0 tagumpay sa Poland para magkaroon ng malinis na 3-0 karta ang mga cue-artists ng bansa sa Group A sa group eliminations.
Kailangang manatili ang magandang pagtumbok ng apat na manlalaro ng bansa dahil determinado sina Chang Jun Lin, Ko Pin Yi, Hsu Kai Lun, Fu Che Wei at Chou Cheih Yu na maidepensa ang titulo matapos ang 4-2 panalo kina Albin Ouschan, Tong He Yi, Jurgen Jenisy, Thomas Knittle, Jasmin Ouschan at Sandra Baumgartner.
Ang iba pang umabante sa quarterfinals ay ang dalawang koponan mula sa host China, Poland, Great Britain, Germany at Japan.
Tinalo ng China I ang Singapore, 4-1, para makatapat sa quarterfinals ang Poland na may 4-1 panalo sa Croatia habang ang China II ay umani ng 4-0 panalo sa Sweden at makakalaro ang Great Britain na may 4-1 tagumpay sa Vietnam.
Pinagpahinga ng Germany ang Russia, 4-2, para makasukatan ang Japan na ginulat ang USA, 4-1.
Halagang $80,000.00 mula sa $300,000.00 ang premyong maiuuwi ng tatanghaling kampeon sa kompetisyong sinalihan ng 24 bansa. (AT)
- Latest