Lumutang ang galling ng kabayong Spirit
MANILA, Philippines - Nakita ang husay ng kabayong Spirit nang pangunahan ang 3YO Maiden A race na pinaglabanan sa 1,400-metro noong Sabado sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Unang nagtangka ang Amihan ni RV Brady na sabayan ang Spirit na hawak ni John Alvin Guce habang nasa ikatlong puwesto kapos ng isang agwat ang Amihan ni KE Malapira.
Sa pagpasok sa huling kurbada ay kinargahan na ni Guce ang Spirit at mula sa labas ay inunti-unti ang paglayo sa Amihan para sa solong pagtawid sa meta.
Walong kabayo ang naglaban, kasama ang dalawang coupled entries at ang panalo ng Spirit ay nagresulta para maibulsa ng connections ng kabayo ang P10,000.00 gantimpala na ibinigay ng Philippine Racing Commission (Philracom) sa nanalong kabayo.
Paborito sa lahat ang nanalong kabayo kaya’t balik-taya lamang ang ibinigay na dibidendo sa win (P5.00) habang ang pagsegundo ng Amihan na second choice sa 5-3 forecast ay may P9.00 na ipinamahagi. Napangatawanan din ng Neversaygoodbye ang pagiging patok sa nilahukang karera habang ang Red Cloud ang lumabas na kabayong hindi gaanong napaboran na nagwagi sa pista.
Sa pagbukas pa lang ng aparato ay umalagwa agad ang Neversaygoodbye pero sinikap na humabol ang Miss Malapia at Makisig.
Sa back stretch ay angat lang ng kalahating agwat ang Neversaygoodbye sa Miss Malapia ngunit ang malakas na ayre ng nauunang kabayo ay ang naglayo sa kabayo sa rekta para manalo ng halos limang dipa sa Miss Malapia.
Si Jonathan Hernandez ang hinete ng nanalong kabayo na nakuha ang ikalawang dikit na tagumpay sa buwan ng Hunyo.
Halagang P5.00 din ang ibinigay na dibidendo sa win habang P22.00 ang dibidendo sa 9-5 forecast.
Nadugtungan din ng Red Cloud ang panalong naitala sa huling takbo nang kunin ang tagumpay sa 3YO Special Handicap Race sa 1,400-metro distansya, Si Jeff Zarate ang dumiskarte sa Red Cloud na nanaig sa lakas ng That Is Mine ni JB Guce.
Naunang nagbalikatan ang Red Cloud at King Of Reality na nanguna sa karera mula alisan hanggang sa kalagitnaan ng labanan. Sa rekta ay pumasok ang That Is Mine na naunang nalagay sa ikaanim na puwesto.
Bakbakan ang That Is Mine at Red Cloud ngunit sapat pa ang lakas ng huli para mapangalagaan ang kalahating-dipang agwat sa meta.
May P31.50 ang ibinigay sa win ng Red Cloud habang P171.00 ang inabot sa 10-4 forecast.
- Latest