Perpetual makikilatisan
MANILA, Philippines - Sisilipin ang lakas na taglay ng Perpetual Help sa pagpapatuloy ng Season 90 NCAA basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Altas ang Mapua Cardinals sa unang seniors game sa ganap na ika-12 ng tanghali at patutuna-yan ng mga alipores ni coach Aric del Rosario na palaban pa rin sila kahit wala na ang mga foreign players.
Sina Nosa Omorogbe at Femi Babayemi ang mga nakasama ng koponan sa huling dalawang taon na kung saan pinalad ang Altas na makapaglaro sa Final Four.
“Mahirap pero pagsisikapan namin,” wika ng beteranong coach Aric del Rosario na aasa sa mga beteranong tulad nina Juneric Baloria, Earl Thompson, Harold Arboleda, Justine Alano at Joel Jolangcob.
Tulad ng karibal, napilayan din ang Cardinals dahil wala na ang masipag nilang guard na si Kenneth Ighalo habang hindi magagamit sa taon sina Mark Brana at Josan Nimes dahil sa academics at injury.
“What I can only promise is that we will try to win more games,” sabi ng Cardinals coach na si Fortunato “Atoy” Co na may 2-16 karta noong Season 89.
Ipaparada ng Arellano Chiefs ang bagong coach na si Jerry Codiñera sa laro laban sa determinadong Lyceum Pirates na magsisimula dakong alas-2 ng hapon.
Noong Disyembre ipinasok si Codiñera bilang kapalit ni Koy Banal at ang anim na buwan na pagsasanay ay sasandalan ng mga panatiko ng Chiefs na sapat na para sa hanap na disenteng kampanya.
Nagbabalik din sa Arellano si Isaiah Ciriacruz para madagdagan ang opensa ng Chiefs na may 8-10 karta noong nakaraang taon.
- Latest