Biyaheng Tokyo nakataya sa Milo Marathon
MANILA, Philippines - Biyaheng patungong Tokyo Marathon ang bonus sa pinakamabilis na male at female marathoner ng bansa sa 38th National Milo Marathon Finals sa Disyembre 7 sa Mall of Asia Ground sa Pasay City.
Ito ang ikalawang sunod na taon na ipadadala ng organizers ng pinakamatandang running event sa bansa ang mangungunang lalaki at babae sa international marathon kasunod ng biyaheng Paris Marathon na napanalunan nina Eduardo Buenavista at Mary Joy Tabal noong 2013.
“Why Tokyo Marathon? Because this marathon is one of six World Marathon Majors and is an IAAF Gold Label marathon. Also, our sponsors Asics is also a sponsor of Tokyo Marathon and they will help us send the top local runners,†wika ng Milo Sports Executive Andrew Neri sa pormal na paglulunsad ng kompetisyon kahapon sa Bayview Park Hotel sa Roxas Boulevard.
May 17 regional eliminations ang magaganap sa taong ito at ang mga mananalo at mga makakapasa sa qualifying time ng bawat distansya ay aabante sa National Finals.
Magbubukas ang kompetisyon sa June 29 sa Baguio City at ang iba pang regional elims ay sa Dagupan (Jul. 6), Tarlac (Jul. 13), Angeles (Jul. 20), Manila (Jul. 27), Naga (Aug. 24), Lucena (Aug. 31), Puerto Princesa (Sept. 7), Lipa (Sept. 14), Iloilo (Sept. 21), Bacolod (Sept. 28), Tagbilaran (Oct. 5), Cebu (Oct. 12), Butuan (Oct. 19), Cagayan de Oro (Nov. 9), General Santos (Nov. 16) at Davao (Nov. 23).
Tulad sa mga nagdaang edisyon, magkakaroon ng 42.195-kilometer full marathon race sa Metro Manila elims bukod pa sa 21k, 10k, 5k at 3k. Nasa 21k naman ang pinakamahabang distansya sa ibang qualifying races.
Patuloy pa rin na magbibigay ng sapatos ang Milo sa mga batang mag-aaral ng pampublikong paaralan at sa taong ito ay tututok sila sa mga lugar na nabiktima ng bagyong Yolanda tulad ng Tacloban, Ormoc at Eastern Samar.
- Latest