Pacheco namayagpag uli
MANILA, Philippines - Hinigitan ni Bryan Pacheco ang marka na naunang naitala sa Palarong Pambansa para maipakita na siya na ang papasibol na atleta sa javelin throw sa pagpapatuloy ng 2014 Philippine National Games athletics competition sa Philsports Track Oval sa Pasig City.
Tumapos si Pacheco ng 62.91-metro para pataubin ang hamon nina Joshua Patalud (57.81m) ng La Salle-Dasmariñas at Rejohn Cliff Gadian (52.85m) ng FEU sa junior men division.
Kinakatawan ang FEU na kung saan siya ay magkokolehiyo, ang marka ni Pacheco ay higit sa 62.47m Palarong Pambansa record na ginawa sa Laguna kamakailan.
Bukod sa javelin si Pacheco ay nanalo rin ng bagong record sa discus throw sa Palaro.
Nagpatuloy din ang pangunguna ng mga national athletes sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at may suporta ng Summit Natural Drinking Water, Forever Rich Philippines, Bala Energy Drink, Milo, Standard Insurance at SM Marikina.
Sinamahan nina Narcisa Atienza at Arniel Ferrera si Rosie Villarito na nakadalawang ginto.
Nanaig si Atienza sa senior women 100m hurdles sa 15.16 segundo para isunod sa gintong napagwagian sa paboritong high jump.
Matapos pagharian ang hammer throw, nangibabaw pa si Ferrera sa discus throw sa 40.39m marka.
- Latest