P4M WTA tinamaan ng 1-mananaya Kabayong Wild Storm nakakuha ng panalo
MANILA, Philippines - Nagkaroon ng magandang alaala ang paglahok ng kabayong Wild Storm sa buwan ng Abril nang makakuha ito ng panalo noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Kasabay din ng panalong ito ng pinakadehaÂdong kabayo ang pagkakabulsa ng isang mananaya ng mahigit na apat na milyong dibidendo sa pinaglabanang Winner-Take-All sa unang gabi ng pista sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Si JL Paano uli ang dumiskarte sa Wild Storm na ang pinakamagandang pagtakbo sa buwang ito ay nangyari noong Abril 6 nang tumapos sa ikaanim na puwesto.
Hindi nagpaiwan ang Wild Storm sa mga naunang umalagwa at nakitaan pa ito ng malakas na pagtatapos nang talunin ang Tin Man sa rematehan sa 1,300-metro karera.
Sa huling 600-metro ng bakbakan nakuha ng Wild Storm ang liderato habang nakadikit ang Tin Man na diniskartehan ni CP Henson.
Sa rekta ay nagsukatan na ang dalawang nasabing kabayo at nakauna uli ang Tin Man papasok sa huling 75-metro ng labanan.
Pero may itinatagong lakas pa ang sakay ni Paano at ibinuhos ito ng kabayo papasok sa huling 25-metro upang manalo ng isang ulo sa katunggali.
Ang ‘di inaasahang panaÂlo ay naghatid ng P139.50 dibidendo sa win habang ang 7-2 forecast ay naghatid ng P955.50 sa bawat taya.
Isa pang dehadong nagpasikat ay ang kabayong Yes Yes Yes sa race three na inilagay sa 1,300-metro distansya.
Patok ang kabayong Golden Rule na tumakbo kasama ang stablemate na Turf Moor pero naubos ito sa kahahabol sa malakas na ayre ng Yes Yes Yes at tumapos lamang sa ikaapat na puwesto.
Sa likuran ay kinuha na ng Yes Yes Yes na dinala ni JA Guce sa pagkakataong ito at hindi na binitiwan ng tambalan ang liderato hanggang natapos ang karera.
Ang Unnerved, Boss Jaden at Golden Rule ay halos kasabay na ng Yes Yes Yes sa rekta pero buo pang dumating ang nanalong kabayo na kagagaling lang sa isang vicious race sa pagdadala ni Esteban de Vera.
Ang Unnerved ni Bryan Yamzon ang nalagay sa ikalawang puwesto kasunod ng Boss Jaden ni Jeff Bacaycay.
Umabot pa sa P62.00 ang ibinigay sa win habang ang dehadong 3-2 kombinasyon sa forecast ay mayroong P2,171.00 dibidendo.
Nagwagi rin ang di napaborang Tricky Charlize sa race seven na siyang huÂling karera para makumpleto ang WTA.
Si H Dilema ang sumakay sa kabayo na Salinas na kumarera kasama ang coupled entry Apo Express.
May P72.50 pa ang win habang P238.50 ang 10-7 forecast.
Ang panggugulat ng tatlong dehadong kabayo na ito ang nakatulong para masolo ng isang masuwerteng mananaya ang P4,406,307.20 dibidendo sa WTA na binuo ng kombinasyong 6-12-3-6-7-6-10.
Ang Master Kai na ginabayan ni WC Utalla ang siyang pinakaliyamadong kabayo na kuminang matapos manalo sa race one.
May P8.50 pa ang ibiÂnigay sa win habang ang 6-3 (Pilyo) forecast ay may P31.00 na ipinamahagi. (AT)
- Latest