Amberdini, Naugh Naugh parehong nanalo Philracom-Divine Mercy Program Trophy Race
MANILA, Philippines - Pinaghatian ng mga kabayong Amberdini at Naugh Naugh ang dalawang Philracom-Divine Mercy Program Trophy Race na ginawa noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Rodeo Fernandez ang dumiskarte sa Amberdini na siyang unang nanalo sa race two bago sumunod ang kabayong hawak ni Jonathan Hernandez na Naugh Naugh.
Ang mga panalong ito ay nagbigay sa winning connections ng mga nanalong kabayo ng P150,000.00 premyo na ibinigay ng nagtaguyod na Philippine Racing Commission sa nanalo lamang.
Ang dalawang karera ay pinaglabanan sa 1,400-metro distansya at agad na inilayo ni Fernandez ang Amberdini sa pagbubukas ng aparato.
Nagbayad ang anim na iba pang katunggali dahil hindi naubos ang Amberdini na sinakyan ni Fernandez kahalili ng regular na hineteng si Mark Alvarez.
Nagpilit na humabol ang second choice na Calabar Zone at ginamitan pa ang kabayo ng latigo ni JA Guce para tumulin ito. Ngunit sadyang malaki na ang agwat ng Amberdini sa naghahabol na kabayo para matalo ng tatlong dipa sa meta.
Paborito ang Amberdini para magkaroon lamang ng balik-taya sa win (P5.00) habang ang 7-2 forecast ay naghatid ng P11.00 dibidendo.
Nagbunga rin ang desisyon na ibalik kay Hernandez ang pagdiskarte sa Naugh Naugh matapos manaig sa 10-kabayong karera.
Naiwan sa alisan, inunti-unti ni Hernandez ang pagbangon ng segundo paborito sa karera na Naugh Naugh upang magkaroon pa ng sapat na lakas para sa inaasahang rematehan sa rekta.
Nasa ikaanim na puwesto pa ang Naugh Naugh sa pagbungad ng rekta nang makasilip si Hernandez ng kaunting siwang sa pagitan ng pumapangatlong C Bisquick at pumapangalawang Royal Gee. Ito ang dinaanan ni Hernandez para mailabas ang kabayo at saka umarangkada para manalo pa sa bumabandera nang Power Factor.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Naugh Naugh na huling sinakyan ni Alvarez at ang win ay nagpasok pa ng P36.00 habang 3-6 sa forecast at mayroong P59.50 na ipinamahagi.
Isa pang kabayo na nagpasikat ay ang Savior na ginabayan ni Alvarez sa 3YO Maiden A-B para maibulsa sa connections ang P10,000.00 premyo para sa nanalo sa karerang pinaglabanan din sa 1,400-metro distansya.
Kondisyon ang Savior nang pangunahan ang karera mula sa umpisa.
Angat lamang ng isang dipa sa tatlong naghahabol, pinakawalan ni Alvarez ang Savior pagsapit sa meta para manalo ng mahigit na anim na dipa sa rumemate at top choice na Alta’s Angel.
Dahil dikit-dikit pa ang benta, may P27.50 ang ibinigay sa win habang P28.00 ang inabot sa 5-9 forecast.
- Latest