SWU tangka ang 2-0; SLU nais bumawi
MANILA, Philippines - Sisikaping sandalan ng Southwestern University ang magandang panalo na nakuha sa unang laro sa pagba-balik-laro ng Shakey’s V-League Season 11 First confe-rence sa The Arena sa San Juan City.
Solo-liderato ang mapapasakamay ng Lady Cobras kung sakaling magapi ang Arellano sa unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon.
Balak naman ng St. Louis University na makaahon agad matapos ang masakit na pagkatalo sa pagbangga sa Adamson dakong alas-4 ng hapon.
Galing ang CESAFI champion Southwestern University sa makakapagtaas ng morale na 25-20, 23-25, 25-15, 21-25, 19-17 panalo sa Lady Navigators para makasalo sa UAAP champion Ateneo sa liderato sa Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision at may ayuda ng Shakey’s.
Sasandalan ni SWU coach Jordan Paca ang patuloy na pagkinang ng mga baguhan para suportahan ang mga beteranong sina Marilyn Llagoso at Neresa Villanueva. Si Llagoso ay mayroong 19 puntos, tampok ang walong blocks, habang si Villanueva ay may 26 excellent sets.
Ang iba pang inaasahang gagawa uli ay sina guest player Lutgarda Malaluan, Sheena Quiño at Janelle Cabahug na nagsanib sa 39 puntos.
Sa kabilang banda, mapapalaban uli ang St. Louis U dahil ang Lady Falcons ay maghahangad din na mapasok sa win column sa Group B sa palarong may ayuda pa ng Accel, Mikasa at Akari. (AT)
- Latest