Nagbunga ang mahabang sakripisyo ni Servania
MANILA, Philippines - Nagbunga ang pagsasanay ni Genesis ‘Azukal’ Servania sa US at Mexico nang patulugin nito ang dating world champion Alexander ‘El Explosivo’ Muñoz noong Sabado ng gabi sa Solaire Resort and Casino sa Parañaque City.
Umabot sa 12 rounds ang sagupaan na kung saan itinaya rin ni Servania ang hawak na WBO Inter-Continental super bantamweight title ngunit dominado ng 22-anyos ang kabuuan ng laban para sungkitin ang ika-24 sunod na panalo at itaas sa 10 ang kanyang knockouts.
Tatlong beses na humalik sa lona ang dating world champion sa super flyweight division na si Muñoz pero sa huling round tuluyang bumitiw ang kanyang mga tuhod matapos ang matinding kanan ni Servania. Natigil ang laban sa 2:22 minuto ang oras sa huling round.
Ito ang pinakamabigat na laban ni Servania at ang panalo ay magbubukas ng pintuan para sa posibleng title fight bago matapos ang taong ito.
“What Genesis showed last night was very promi-sing,†wika ni ALA vice president Dennis Canete. “To beat and knock out a fighter of Munoz caliber is something. If there would be an opportunity for a world title fight, he will be ready,†dagdag nito.
Si Muñoz na napahinga ng halos walong buwan ay natalo sa ikaanim na pagkakataon matapos ang 42 laban.
Hindi naman nabigo sina Arthur Villanueva at Jason Pagara na mapalawig ang malinis na karta matapos manalo sa undercards sa Pinoy Pride XXIV na suportado rin ng ABS-CBN.
Napalaban man ay sapat ang ginawa ni Villanueva sa kabuuan ng 12 round tungo sa unanimous decision panalo kay Fernando Aguilar ng Mexico City para sa kanyang ika-25 sunod na panalo. First round knockout naman ang naitala ni Pagara kay Isack Junior ng Indonesia tungo sa 19-0 baraha.
- Latest


















