Lumabas ang galing ng Lady Leisure
MANILA, Philippines - Napalabas ni jockey Jeff Bacaycay ang husay ng Lady Leisure para hirangin bilang pinakadehadong kabayo na nanalo noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Isang 3YO special handicap race sa 1,000-metro distansya ginawa ang tagisan sa hanay ng pitong naglaban at mahusay na isinunod muna ni Bacaycay ang hawak na kabayo sa naunang lumayo at paborito sa karera na Yankee Three ni Jessie Guce.
Kasama sa pangalawang grupo ang Chelzee-chelzechelz at Good Nature, kumilos ang Lady Leisure na may 55.5 kilos handicap weight, sa huling 50-metro nang kargahan na ito ni Bacaycay tungo sa isang dipang panalo.
Sapat pa ang lakas ng Yankee Three para mau-ngusan sa pangalawang puwesto ang Veni Vidi Vicci sa pagdadala ni RC Landayan.
Si Bacaycay ang ikatlong hinete na sumakay sa Lady Leisure sa huling tatlong takbo at nalagay sa ikasiyam na puwesto noong Pebrero 21 sa pagdadala ni Fernando Raquel Jr.
Kumabig ang mga nanalig sa Lady Leisure ng P52.00 sa win habang ang 1-3 ay namahagi ng P142.50 dibidendo.
Sinilat din ng True Steel ang napaborang Willingandable sa isa pang 3YO Handicap race 2 sa 1000m sprint race.
Si NK Calingasan ang hinete pa rin ng True Steel at nahigitan nila ang pangalawang puwes-tong pagtatapos sa huling takbo
Limang kabayo ang halos magkakasabay na dumating ngunit ang nasa labas na True Steel ay may sapat pang lakas para lampasan ang nangungunang Willingandable sa pagdadala ni Pat Dilema.
May P39.50 pa ang ibinigay sa win habang P65.50 ang ipinamahagi sa 6-5 forecast.
Ang ibang karerang pinaglabanan ay dinomina ng mga paborito sa pa-ngunguna ng Raon na nanalo sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Si JB Cordova ang pinagdiskarte pa rin sa nasabing kabayo na inilabas uli ang husay sa rematehan para talunin ang naunang bumanderang Nash.
Hindi natalo sa tatlong takbo sa nasabing buwan ang Raon para makapagbigay lamang ng P5.00 sa win habang nasa P11.00 ang dibidendo sa 8-5 forecast. (AT)
- Latest