BPC award nakopo ni Fajardo
MANILA, Philippines - Nadagdagan ang parangal na nakamit ng 6’10†center June Mar Fajardo nang siya ang tanghaling Best Player of the Confe-rence para sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ang 24-anyos na si Fajardo na top rookie pick ng Petron Blaze Boosters noong nakaraang taon ay ginawaran ng BPC plaque bago sini-mulan ang Game Four ng best-of-seven titular showdown sa pagitan ng San Mig Coffee at Rain Or Shine kagabi.
Ito ang ikatlong parangal na naibigay kay Fajardo matapos mapabilang sa Mythical se-cond team at All Rookie Team noong 2012-13 season.
Para makuha ang parangal, si Fajardo na nag-laro rin sa Gilas Pilipinas ay nakakuha ng 1,268 puntos mula sa 426 statistical points, 575 media votes, 117 players votes at 150 mula sa PBA.
Karapat-dapat naman sa parangal si Fajardo dahil naghatid siya ng 16.39 puntos, 14,89 rebounds, 2.56 blocks at 1.5 assists sa 35.50 minutong exposures sa 18 laro.
Di hamak na mas mataas ito noong rookie year niya na 12.13 puntos, 9.33 rebounds at 1.2 blocks sa 26.87 minuto sa 45 kabuuang laro.
Sa kabuuan, si Fajar-do ay nagtala ng 16 double-double na siyang pinakamarami sa lahat ng manlalarong nasilayan sa first conference ng liga.
Siya ang ikalawang Petron player na tumanggap ng BPC kasunod ni Arwind Santos na binigyan ng ganitong award sa Governor’s Cup.
Si Fajardo rin ang kauna-unahang sentro na tumanggap ng nasabing parangal matapos gawaran si Enrico Villanueva noong Fiesta Conference ng 2005-06 season habang naglalaro sa Red Bull.
Tinalo ni Fajardo sa award na ito sina Santos at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra.
Si Santos ay naghatid ng 17.1 puntos, 10.67 rebounds, 1.52 assists, 1.05 steals at 1.43blocks sa 37.29 minutong paglalaro habang ang 6’9†na si Aguilar ay naghatid ng 17.13 puntos, 9.04 rebounds, 2.78 blocks at 1.35 assists sa 35.57 minutong paglalaro sa Gin Kings.
- Latest