Tenorio bagong coach ng Magnolia
MANILA, Philippines — Mula sa pagiging playing assistant coach ng Barangay Ginebra ay tuluyan nang hinirang si Lewis Alfred Tenorio bilang bagong head coach ng Magnolia.
Ito ay matapos ang balasahan sa Hotshots kung saan papalitan ni Tenorio si coach Chito Victolero sa kanyang posisyon.
Sagana sa kredensyal ang 41-anyos na si Tenorio bilang isang eight-time PBA champion point guard at deputy coach sa Gilas Pilipinas ni Ginebra mentor Tim Cone.
Assistant coach din ang tubong Nasugbu, Batangas sa Letran Knights sa NCAA at head tactician ng Gilas Pilipinas Youth team na kumubra ng gold medal sa FIBA U18 SEABA qualifiers noong Mayo.
Tampok sa huling season ni Tenorio bilang player ang paggiya niya sa Gin Kings sa krusyal na panalo sa Game Six kontra sa nagharing San Miguel Beermen sa Season 49 PBA Philippine Cup semifinals series.
Samantala, sa kanya namang siyam na taong pamamahala sa Hotshots ay naihatid ni Victolero ang tropa sa korona ng 2018 Governors Cup.
Ngunit matapos ito ay bigo na ang dating Mapua Cardinals guard na matulungan ang Magnolia sa pagwawagi ng titulo kasama na ang Season 49 Philippine Cup sa kabila ng pagtatambal nina Zavier Lucero at Will Navarro.
Matapos ito ay binira ng mga Hotshots fans ang 49-anyos na si Victolero.
Maglalaro ang 6-foot-6 na si Navarro, nagmula sa NorthPort, para sa Busan KCC Egis sa Korean Basketball League (KBL).
Ilang KBL teams din ang tumatarget sa 6’7 na si Lucero na magtatapos ang kontrata sa Hotshots sa Setyembre.
- Latest





















