Philracom Charity race lalarga sa MetroTurf
MANILA, Philippines - Sisimulan sa hapong ito ang mga pakarera ng Philippine Racing Commission sa paglarga ng 2014 Philracom Sponsored Charity Special Race sa MetroTurf sa Malvar Batangas.
Anim na kabayo, kasama ang isang coupled entry na mga edad tatlong taong gulang, ang mag-uunahan para kunin ang panalo sa karera na kung saan ang kikitain nito ay mapupunta sa Volunteers/scholars ng Center for Disaster and Emergency Management (CDEM) Inc.
Ang mga nagpatala ay ang Private Thoughts (NK Calingasan), Rose Blush (V Dilema), Dusty Jewel (RO Niu Jr.) at coupled entry Endless Rose (MA Alvarez), Great Walda (JB Guce) at Sharp Look (LF de Jesus).
Sa 1,400-metro ang distansya ng karera at sinahugan ito ng P300,000.00 gantimpala at ang mananalo ay mag-uuwi ng P180,000.00 sa kanyang connections.
Ang papangalawa ay mayroong P67,500.00 habang P37,500.00 at P15,000.00 ang mapupunta sa papangatlo at papang-apat sa datingan.
Nasabak sa laban ang mga kabayong Endless Rose, Sharp Look at Private Thoughts at ang huli ang may pinakamagandang tinapos nang pumangalawa ito sa Fairy Star noong Enero 4.
Hindi naman tumimbang ang Endless Rose at Sharp Look sa karerang nangyari noong Jan. 7 pero binibigyan ng tsansa dahil sa pagpapalit ng hinete.
Gagabayan ni Mark Alvarez ang Endless Rose mula sa dating hinete na si JD Mirales habang si LF de Jesus ang sasakay sa Sharp Look mula kay RO Niu Jr. na piniling hawakan ang Dusty Jewel.
May 12 karera ang nasa programa sa maghapon at lahat ay inaasahang mga palaban upang matuwa ang mga panatiko na patuloy na sumusuporta sa horse racing industry.
- Latest