Dapat nang maayos ang billiards association
MANILA, Philippines - Kailangang kumilos na ang POC at ayusin ang estado ng billiards sa bansa para magpatuloy ang kinang nito sa mga malalaking kompetisyon sa labas ng bansa.
Ito ang winika ni Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) founder Ceferino ‘Perry’ Mariano matapos magbigay ng gold-silver ang mga manlalarong sina Dennis Orcollo at Carlo Biado sa men’s 10-ball event sa 27th SEA Games sa Myanmar.
Sina Orcollo at Biado ay mga manlalaro ni Mariano sa pag-aaring Bugsy Promotions na nakalaro sa kompetisyon matapos katigan ang kahilingan ng BSCP na ipahiram ang mga ito.
Si Orcollo na isa ring gold medalist sa 2011 Indonesia SEA Games ay tumatanggap ng buwanang sahod sa PSC pero si Biado ay wala pa dahil kapapasok lamang niya upang may dalawang panlaban ang bansa sa 10-ball at 9-ball events.
Nais din niyang ayusin ng POC ang problema sa liderato sa BSCP dahil hindi bumabata ang mga tulad ni Orcollo. Kapag nangyari ito at walang mga bata at mahuhusay na puwedeng pamalit, tiyak na mapag-iiwanan na ang Pilipinas sa bilyar.
Si Arturo Ilagan ang pangulo ng BSCP pero inire-reklamo ng BMPAP ang kawalan nito ng programa kung paano pauunlarin ang sport sa bansa.
- Latest